May iritableng misis
Dear Dr. Love,
Mula’t sapul na magkahulugan kami ng loob ng aking misis, mahalaga sa akin na maalagaan ko siya at mapanatiling masaya. Ganon ko po kamahal si Milagros.
Ayaw ko siyang nahihirapan sa mga gawaing bahay. Kaya lagi akong naglalaan ng panahon para maalalayan siya sa paglilinis ng bahay, pagluluto, lalo na ang paglalaba.
Bagay na ikinakantiyaw sa akin ng tropa ko, dahil nagiging Andres de saya raw ako. Madalas kasi ay hindi ko magawang makitagay sa kanila dahil ayaw kong sumama ang loob ni misis.
Lumaki kasi sa lasenggerong ama ang aking asawa. Magnobyo pa lang kami ay ipinakiusap niya sa akin na huwag niyang hayaang magkaroon ako ng pangamba na maging kagaya ng kanyang tatay.
Nakaka-relate po ako sa pakiramdam na ito ni Milagros, dahil marami sa mga tiyuhin ko ay gahaman sa alak at talaga namang sakit sila ng ulo ng kani-kanilang asawa.
Hindi ko naman po ikinapipikon ang kantiyaw ng mga tropa sa akin dahil biruan lang naman ito. Ang problema po ay ikinaiirita ang bagay na ito ng aking asawa na noon nama’y hindi niya alintana. Nitong mga nakaraang araw, napapansin ko rin na kakaiba ang gana niya sa pagkain. Paano po kaya ang magandang paliwanag kay misis para huwag na siyang paapekto sa pagbibiro ng aking mga kabarkada? Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
Dado
Dear Dado,
Kung minsan ang kakaibang iritasyon ng mga misis ay dulot ng maraming pagbabago na nararanasan nila, maaaring sa kapaligirang meron kayo, mga taong bahagi nito o baka naman naglilihi na ang asawa mo pero hindi pa niya alam. Bakit hindi mo subukang obserbahan siya o kaya’y yayaing mag-prenatal test. Anong malay mo…baka magiging tatay kana. Sakaling positive, hayaan mong ako na ang unang bumati sa’yo, congrats!
DR.LOVE
- Latest