Dear Dr. Love,
Pagkaraan ng sampung taong pagsasama at pagkakaroon ng dalawang anak, nagpasya ang anak kong lalaki na hiwalayan ang kanyang asawa sa mga kadahilanang sila lang dalawa ang nakakaalam.
Ang sabi ng anak kong si Deo, masyadong selosa ang manugang ko at halos hindi na siya makagalaw ng tama kung mayroon siyang mga kasamang kaibigang babae man o lalaki nang hindi ito nagseselos, lalo na kung may mga usapang biruan na kagrupo lang ang nakakaalam.
Sinikap ko sanang mapagkasundo ang dalawa at pinangaralang mabuti ang aking anak na isiping mabuti ang kanyang naging desisyon pero matigas ang kanyang pasya.
Ayaw na raw niyang matali pang muli kay Precy na nakabansot ng kanyang progreso sa buhay. Nagkasundo silang manatili sa manugang ko ang mga bata, nakatira sila sa bahay na minana nito sa kanyang mga magulang.
Ang problema sa hiwalayang ito ay wala akong malilipatan dahil wala naman akong sariling bahay at nag-iisang anak ko si Deo.
Hindi ko napigilang umiyak nang kausapin ako ng aking manugang na manatili na lang sa kanila para lumaking kasama ng aking mga apo. Sa totoo lang po, mami-miss ko ng husto ang aking mga apo.
Umaasa ako na makakapag-isip ang aking anak at magkakabalikan silang mag-asawa. Pero hindi na ito nangyari dahil may ibang babae na si Deo at gusto na nilang mag-live in.
Gusto ng aking anak at ng kinakasama niya na umalis na ako sa aking manugang. Pero wala akong nakikitang dahilan dahil sa mahigit dalawang taong pagtira ko kay Precy, hindi nagbago ang trato niya sa akin. Magkasundo po kami sa maraming bagay.
Ano po ang maipapayo ninyo, Dr. Love? Alangan po bang manatili ako sa poder ng aking manugang gayong hiwalay na sila ng aking anak?
Gumagalang,
Aling Teresa
Dear Aling Teresa,
Wala kang dapat na ikaalangan na manatili sa poder ng iyong manugang kahit hiwalay na sila ng anak mo. Dahil hindi nito mababago ang relasyon mo bilang magulang at lola sa mag-iina.
Kaya ipanatag mo ang iyong kalooban, dahil malinaw na mahal ka ng iyong manugang kaya gusto niyang lumaking malapit sa’yo ang iyong mga apo.
DR. LOVE