Dear Dr. Love,
Maraming salamat sa pagpapaunlak mo sa aking sulat. Umaasa ako na nasa mabuti kang kalagayan sa pagtanggap mo ng sulat kong ito.
Tawagin mo nalang akong Armand, 32-anyos. Tatlong taon akong may ka-live in na minahal ko nang todo-todo. Magkakaroon na sana kami ng baby pero pareho silang namatay nang manganak siya.
Matapos ang isang taon nang mawala siya sa akin, muling tumibok ang aking puso. Tawagin mo na lang siyang Melay. Matanda siya sa akin ng labinlimang taon. Ang edad niya 47-anyos na pero mukhang magkaparehas lang kami sa edad.
Marami naman ang nagsasabi na bagay kami dahil hindi siya mukhang 47. Pero sabi ng mga kaanak ko, para raw akong kumuha ng nanay.
May relasyon na kami ni Melay at balak naming magpakasal. Dapat ko bang ituloy ang plano namin?
Armand
Dear Armand,
Walang problema iyan basta pareho naman kayong eligible magpakasal. Sabi nga “age doesn’t matter.”
Bakit iintindihin mo ang sasabihin ng iba kung liligaya ka naman? Sige ituloy ninyo ang inyong balak magpakasal. Pero handa ka bang humarap sa posibilidad na baka hindi na siya magka-baby?
Usually, sa edad na 47 ay menopause na ang isang babae at kung minsan, nagiging dahilan ito kung bakit naghahanap ng iba ang lalaki.
Dr. Love