Nawalan ng gana si Mister

Dear Dr. Love,

Nasa kasagsagan po ako ng paglilihi sa pangalawang magiging anak namin ni Edgar. Kailan ko lang sinabi sa kanya tungkol dito dahil gusto kong maunawaan niya kung bakit hindi na ako makalinis ng bahay at madalas hindi na rin makaluto ng aming makakain. Halos araw-araw po kasi ang morning sickness ko.

Pero sa halip na maunawaan ay ipinanlamig ito ng pakikitungo ni Edgar sa akin. Ang usapan kasi namin, susundan namin si Dondon kapag limang taon na ito. Ang kaso, nagkamali ako ng pagbibilang sa kalendaryo kung kailan ako hindi fertile at madalas hindi ko na rin mapigil ang panggigigil ng mister ko, kaya pinagbibigyan ko na lang siya. Kaya heto napaaga ng dalawang taon at may kasunod na ang aming panganay.

Laging wala na sa oras ang pag-uwi ni Edgar, Dr. Love nang malaman niyang buntis ako. Nawala na rin ang sweetness niya sa akin. Ni-hindi nga niya ako masamahan sa aking prenatal check-up gaya ng dati.

Ang masaklap pa, nang minsang isugod ako sa ospital dahil sa dehydration, nauna pang dumating ang nanay ko kaysa sa asawa ko. Dahil hindi makontak ang nakapatay niyang cell phone.

Ibang-iba na po ang mister ko, Dr. Love. Madalas na mainit ang ulo niya at bugnutin. Ano po ba ang dapat kong gawin para manumbalik ang sweetness namin sa isa’t isa? Tulungan mo po ako.

Maraming salamat at God bless.

Nimfa

Dear Nimfa,

Nakakalungkot isipin na may mga mister na sinisisi ang kanilang misis sa pagkakaroon ng unwanted pregnancy, gayong kasama sila sa proseso kung kaya nabuo ang buhay sa sinapupunan ng kani-kanilang asawa.

Ang sabi mo nga, hindi mo na siya mapigilan sa panggigigil niya. Kaya pinagbibigyan mo na lang. At nang magbunga ay nanlamig at nagbago sa’yo? Eh ‘di, wow!

Kung ako sa’yo, kausapin mo ng masinsinan ang asawa mo. Para malaman mo ang tunay na dahilan ng pagbabago niya. At maiparamdam mo rin sa kanya kung gaano mo inaasam ang pagkalinga niya, lalo pa’t hindi madali ang iyong pagbubuntis.

Naniniwala ako na gaano man katigas ang puso ng isang tao, napapalambot ito ng malumanay at malambing na pakikipag-usap. Malaki rin ang maitutulong ng dasal para ma-realize ng asawa mo ang kakulangan niya sa inyong mag-iina. Kasama mo ako sa bawat panalangin at pag-asang pasasaan ba at maaayos din ang lahat.

DR.LOVE

Show comments