Dear Dr. Love,
Limang taon na po ang relasyon namin ng boyfriend ko pero unti-unti nang lumalabo nang minsan magkasagutan kami kung saan niya sinabing package deal ang lahat sa amin. Dahil kasama sa pagsasama namin ang kanyang ina, na hindi niya maiiwan.
Literal na kasama po namin sa aming mga date ang kanyang ina, Dr. Love. Bagay na nakakailang po dahil wala nang pagkakataon para makapag-usap kami ng sarilihan.
Maraming pagkakataon din na ang lakad namin ay nakabase hindi sa aming choice, kundi sa kanyang ina. Nitong huli ay naramdaman kong umasim ang trato sa akin ng nanay ni Ariel dahil hindi ko napapaboran ang lahat ng gusto niyang mangyari sa tuwing may balak kaming lumabas ng kanyang anak.
Nang magkasakit ang nanay ni Ariel, ayaw nitong magpaalaga sa iba maliban sa kanyang nag-iisang anak na lalaki. Nasa abroad na po kasi ang kapatid na nurse ni Ariel.
Nakaapekto po ito nang malaki sa aming relasyon. Dahil halos hindi na kami makalabas. Nang mabanggit ko ang bagay na ito kay Ariel, ikinagalit niya dahil priority niya raw ang kanyang ina. Sumunod dito ang kanyang dalawang anak, bago ako.
Pero kung hindi raw ako makatagal sa sitwasyon ay humanap na ako ng iba. Mahal na mahal ko po sana si Ariel. Pero hindi ko tanggap na hindi ako ang una sa mga pinahahalagahan niya.
Sa palagay n’yo po ba, dapat ko nang kalimutan ang relasyon namin ni Ariel at maghanap ng kapareha na ako ang priority? Pagpayuhan po ninyo ako.
Gumagalang,
April Love
Dear April Love,
Karamihan sa mga babae, ang hinahanap ay lalaking maalaga sa magulang. Dahil ito raw ay palatandaan ng pagiging responsable. Pero mukhang iba ang palagay mo rito.
Unang-una, mali na ikumpara mo ang pagpapahalaga ng iyong boyfriend sa kanyang magulang, sa pagpapahalaga niya sa’yo. Magkaibang level ‘yun. Isa pa, makatwiran ang dahilan ng boyfriend mo, na hindi iwan ang ina niyang may sakit at nag-iisa na lang.
Sa palagay ko, tama ang sinabi ni Ariel na kung hindi ka makatagal sa sitwasyon ay humanap ka na lang ng iba. Sa ganitong paraan, pareho kayong makakapag-move on sa kani-kaniya ninyong buhay.
DR. LOVE