Dear Dr. Love,
Sana po, kayo ang makapagbigay ng workable solution sa problem ko. Tawagin mo na lang akong Josie, 20-anyos. Marami na akong hiningan ng advice sa suliranin ko.
Didiretsahin ko na po. Na-discover ko na ang aking kasintahan ay may asawa na.
Anim na buwan na kami nang ito’y matuklasan ko. Galit na galit ako pero bakit hindi ako makakawala. Kami pa rin.
Madalas akong napapaisip na kawawa ako kung mabuntis ako. Second woman lang ako at lalabas na bastardo ang magiging anak namin. Pinapayuhan akong makipag-break ng aking mga friends pero hindi ko talaga magawa. Baliw na yata ako.
Lagi niyang sinasabi sa akin na mas mahal niya ako kaysa sa asawa niya. Hindi raw niya ako puwedeng hiwalayan dahil mahalaga ako sa kanya.
Tulungan mo po ako, Dr. Love dahil napakabigat ng aking problema.
Josie
Dear Josie,
Kung ano ang ipinayo ng mga friends mo ay siya ko ring ipapayo sa iyo. Pero para que pa na pagpayuhan ka kung hindi ka susunod?
Alam mo pala ang consequence ng ginagawa mo. Tama na. Kawawa ka lang kapag nagkaanak kayo dahil lalabas na bastardo ang anak ninyo.
Ikonsidera pa ang posibilidad na mag-eskandalo sa iyo ang asawa niya. Tanging pakikipaghiwalay ang pinakatama at matinong desisyon na magagawa mo.
Isipin mo na unang-una, labag sa batas ng tao at ng Diyos ang ginawa ninyong dalawa. Sino ba ang mahalaga sa iyo, ang boyfriend mo o ang Diyos?
Tama ka. Paano kung mabuntis ka? Lalong lalaki ang problemang pasan mo.
Kaya magdesisyon ka ng tama habang maaga.
Dr. Love