Dear Dr. Love,
Long time crush ko po si Mildred. Pero hindi sa wala po akong lakas ng loob na sabihin ito sa kanya. Dahil alangan kami sa isa’t isa. Anak po siya ng amo ng aking nanay na kasambahay.
Pero nang minsang magkausap kami ng sarilinan nang magpatulong siya sa kanyang project sa akin, sinabi niyang cute naman daw ako kaya lang masyadong mahiyain.
Nabuhayan po ako ng loob sa sinabi niyang ‘yun. Kaya nang sumunod na araw ay pinagplanuhan ko ang pagdiskarte sa kanya. Pero hindi pa man din ako nakaka-first move ay napahiya na ako.
Kinantsawan ako ng mga barkada niya at sinabing utu-uto raw ako dahil instant tutor lang daw ang tingin sa akin ni Mildred.
Nasaktan po ako at nakadama pa ng insulto sa mga narinig ko. Pinaasa lang pala niya ako sa wala. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makakawala sa sakit, Dr. Love. Dapat bang iwasan ko si Mildred? Pa’no kung magpatulong uli siya sa homework o project? Paano ko siya haharapin gayong masama pa ang loob ko? Payuhan po ninyo ako.
James
Dear James,
Sa barkada at hindi mismo kay Mildred mo narinig ang masasakit na salitang nagpasama ng loob mo. Pa’no kung may hidden agenda lang ‘yun sa kanya at tinanggalan ka lang ng kompiyansa?
Kung ako sa’yo, huwag mong alisin ang pagkakataon na mas makilala ninyo ang isa’t isa ni Mildred. Huwag agad maniwala sa sabi-sabi. Ikaw rin, baka manghinayang ka na lang forever.
Dr. Love