Feeling mag-asawa na

Dear Dr. Love,

May boyfriend po ako na nasa Middle East, nagkakilala kami sa Facebook at hindi pa nagkikita ng personal. Pero mistulang mag-asawa na ang turin namin sa isa’t isa.

Regular ang aming pag-uusap sa skype ni Mike at makailang beses na niya akong pinadadalhan ng panggastos. Nito lang nakaraan ay binigyan niya ako ng pera para kumuha ng bahay na mauupahan at para makabili ng ilang gamit sa bahay.

Kutson, ilang gamit sa kusina at sofa ang pinaglaanan ko, Dr. Love dahil sa susunod na buwan na ang bakasyon ng boyfriend ko at balak na naming magsama.

Limang taon po ang tanda ni Mike sa akin. Dati akong namamasukan bilang kasambahay pero pinatigil na ako ng boyfriend ko at maging ina na lamang raw ako ng aming magiging anak.

Pero hindi ko po maintindihan ang kalooban ko, Dr. Love. Nakakaramdam po ako ng excitement pero ninenerbyos ako. Dahil kahit kailan ay hindi pa kami nagkikita nang personal ni Mike.

Baka magkailangan kami o posibleng ma-turn off personally sa isa’t isa. Natatakot po ako. Pero nakakatiyak ako sa sarili ko na mahal ko na si Mike. Pagpayuhan po ninyo ako kung paano ko mapapakalma ang aking sarili.

Maraming salamat po. More power!

Becca

Dear Becca,

Sa palagay ko ay normal lang ang mga pa­ngamba mo. Dahil napakalaking pagkakaiba ng pakikipagrelasyon sa social media at sa personal. Maaaring ang attraction ninyo sa inyong mga downloaded photos ay iba kapag nagkita na kayong dalawa.

Pero pumayag ka sa ganyang set up. Kaya harapin mo ang sirkumtansiyang kalakip ng pinasok mo. Saka ka magdesisyon nang totohanan kung ano ang iskor ng pakikipagrelasyon mo sa iyong boyfriend.

Para sa akin, mabuti nang may masaktan ngayon kung maging disappointed man kayo sa isa’t isa. Kaysa kapwa kayo manatili sa imaginary relationship.

DR. LOVE

Show comments