Nawawalan ng kumpiyansa sa bf
Dear Dr. Love,
Tatlong taon na kaming mag-on ni Sammy. Walang problema sa aming relasyon, maliban lang na hindi bukas ang aking boyfriend sa kanyang nakaraan.
Kung hindi sa pamimilit ko ay hindi mag-o-open si Sammy tungkol sa kanyang soulmate. Sabi niya, isang karanasan ng kabataan na lang si Dely. Ayaw niyang sabihin ang dahilan ng kanilang paghihiwalay.
Nararamdaman ko po na nasa puso pa rin ni Sammy si Dely. Dahil sinabi niyang hindi niya makakalimutan ang kanyang first love.
Dahil sa mga nalaman ko, lalo akong nawalan ng kumpiyansa sa relasyon namin. Iniisip ko na lang bilang konswelo ay ako raw ang mahal ni Sammy.
Pero nakakaramdam ako na marami pa akong hindi alam tungkol sa boyfriend ko, Dr. Love. Tuloy, hindi ko po maiwasan na magduda sa kanya. Hindi ko po ganap na maibigay sa kanya ang kalooban ko, dahil sa pangambang mauwi lang sa hindi maipaliwanag na hiwalayan ang aming relasyon.
Pagpayuhan po ninyo ako. Ang sabi ni Sammy ay possessive raw ako. Aabangan ko po ang mahalagang payo ninyo. Maraming salamat.
Gumagalang,
Jing-Jing
Dear Jing-Jing,
Kasing halaga ng matapat na pagmamahal ang pagbibigay ng tiwala sa iyong partner. Ang nakaraan ay bahagi na lang ng nakalipas. Ang mahalaga ay ang kasalukuyan at ikaw ‘yon na sinabi ng iyong boyfriend na mahal niya.
Anuman ang namagitan kay Sammy at Dely noon, hindi pa kayo magkakilala. Kaya hindi makatuwiran na masira ang kasalukuyang relasyon ninyo nang nakalipas na.
Bigyan mo ng pagkakataon ang iyong sarili na maging worry-free sa inyong relasyon. Dagdagan mo ang iyong tiwala sa boyfriend mo at i-enjoy ang relasyong pinasok ninyo. For sure, hindi ka naman makikipag-boyfriend sa kanya, kung hindi ka naniniwala sa kanya. Kaya more trust, more love, more happiness.
DR. LOVE
- Latest