Problema ng Madrasta
Dear Dr. Love,
Kapwa kami balo nang magkatagpo ni Maximo. Sa kabila nang pagtutol ng kaniyang dalawang anak ay nagpakasal kami. Ibinenta ko ang bahay namin ng una kong asawa, na siyang ipinambili ng sasakyan at ipinampagawa sa family house ni Maximo.
Hindi naman kami nagkaanak ng una kong asawa, kaya sa bahay ni Maximo na kami tumira. Pero mula nang dumating ako sa kanilang bahay ay siya namang pag-alis ng mga anak niya.
Pagkaraan ng sampung taong pagsasama ay naging sakitin po si Maximo at ito na po ang naging problema ko. Dahil kahit anong tawag niya sa telepono para puntahan ng dalawa niyang anak ay hindi siya pinapansin ng mga ito.
Naringgan ko po ang isa, na sinabing saka na lang daw sila pupunta kapag patay na ang kanilang ama at nakaalis na ako sa kanilang bahay.
Hindi ko na po mahihintay ang araw na iyon, Dr. Love. Simula nang magkasakit si Maximo ay nakulong na ang buhay ko sa pag-aalaga sa kanya. Matanda na rin ako at inaalala ko rin ang aking kalusugan.
Pagod na po ako sa pag-aalaga at ang inaalala ko ay ang sarili kong kalusugan. Gusto ko nang ilipat sa pangangalaga ng mga anak ang kanilang ama. Ano po ang maipapayo ninyo sa akin?
Hinihintay ko po ang inyong kasagutan. Maraming salamat at mabuhay kayo.
Gumagalang,
Anicia
Dear Anicia,
Ang pagsasama ng mag-asawa ay hindi lang sa sarap, kundi lalo na sa hirap. Kaya huwag mo sanang sukuan sa pag-aalaga ang iyong asawa. Dahil lalong higit ka niyang kailangan ngayon.
Kung nababagabag ka sa pakikitungo ng kaniyang mga anak, makakabuti na huwag mo na lang muna silang pagtuunan ng pansin. Sa halip ay sikapin mo na matugunan ang pangangailangan ng iyong mister.
Natitiyak ko na sa takdang panahon ay makakapag-isip din ng tama ang kanyang mga anak at marahil ay makita nila kung gaano mo minahal ang tinalikuran nilang ama.
DR. LOVE
- Latest