Dear Dr. Love,
Siguro ay familiar ka sa awiting Me and Mrs. Jones. Tungkol ito sa bawal na pag-ibig ng dalawang lovers na kung magtagpo ay minsan lamang sa isang taon at sa kaparehong lugar.
Sa awiting ito’y para kong nakikita ang aking sarili dahil nasa ganyang situwasyon ako. Tawagin mo na lang akong Chard, 24-anyos at binata pa.
Si Lorna ay may asawa at nagkakilala kami January last year sa isang party. Siya ay 35-anyos at may asawa. Malayo ang agwat namin sa edad.
Naging close kami at naikukuwento niya sa akin na hindi siya happy sa mister niya na madalas nasa ibang bansa dahil sa kanyang negosyo.
Nagka-develop-an kami na nauwi sa minsang pagtatagpo sa isang motel na nasundan pa ng ilang ulit. Ginagawa namin ito minsan sa loob ng isang buwan lang.
Kahit matanda siya sa akin at may asawa ay natutunan ko siyang mahalin. Pero binabagabag ako ng aking konsensya. Dapat bang ipagpatuloy ang kabaliwang ito?
Ano gagawin ko?
Chard
Dear Chard,
Sa pagsasabing kabaliwan ang inyong ginagawa ay pagkilala na ito ay mali. Talaga namang saan mang anggulo silipin ay mali iyan.
Binata ka nga pero may lalaking dinudumihan mo sa ulo. Ilagay mo ang situwasyon mo sa asawa ng kalaguyo mo.
Sa mata ng Diyos at sa batas ng tao ay kasalanan iyan. Kaya kalimutan mo na ang sinasabi mong kabaliwan.
Dr. Love