Hindi na romantiko si Mister
Dear Dr. Love,
Hindi ko tiyak kung makakarating sa iyo ang sulat ko nang eksaktong Valentine’s Day, gayun pa man ay hayaan mong batiin kita ng maligayang araw ng mga puso.
Nais ko pong humingi ng inyong mahalagang payo hinggil sa pagsasama naming mag-asawa, naoobserbahan ko po na nawawala na ng “sweetness.” Mahigit sa 25 taon na kaming mag-asawa at may tatlong anak.
Ako po ngayon ay mahigit nang 30 taon at mas matanda ang aking mister ng tatlong taon kaysa akin.
Dati naman hindi siya nakakalimot humalik kapag umaalis at dumarating mula sa trabaho. Nag-aalala sa akin kung malungkot ako at walang kibo at binibigyan ng mumunting compliments kung maganda ang suot ko o kung mayroon siyang nakitang pagbabago sa ayos ng bahay namin.
Ngayon po, parang nagsawa na siyang mag-holding hands kami at pagkuwentuhan ang masasarap na gunitaing pangyayari sa aming buhay mag-asawa.
Noong una , inakala kong may sakit siya kaya nagpadoktor kami pero maliban sa pagtaas ng cholesterol ay wala naman nakakaalarmang kondisyon. Inaya ko siyang magbakasyon kami sa probinsiya. Doon ko nai-open sa kanya ang napapansin kong pagbabago niya.
Ang sagot niya, hindi ako dapat na magpantasya na palaging sweet ang pagsasama dahil ang reyalidad ay nagkakaedad na kami. Wala naman daw anya siyang pagbabago sa kanyang feelings at pagmamahal sa akin.
Dr. Love, hindi po kaya mayroon na siyang bagong mahal, na nakakabagabag sa kanyang isip? Normal lang po ba ito sa matagal nang nagsasamang mag-asawa? Nais ko po ang mahalaga ninyong payo.
Thank you at more power.
Gumagalang,
Betty
Dear Betty,
‘Yung sinabi ng mister mo na hindi nagbabago ang damdamin niya para sa iyo ay magandang assurance. Pero kung hindi ka pa rin mapanatag nito, makakabuti na obserbahan mo ang iyong asawa at tiyakin sa sarili mo kung may ibang nakakapagpabagabag ng isip niya.
Tungkol naman sa tanong mo, halos lahat naman ng bagay ay nagbabago. Kasama na rito ang mga bagay na maaaring makaapekto sa relasyon. Kung mangyari ang ganito, sikapin ninyo na mabigyan agad ng atensiyon para mapanatili ang maayos na pagsasama.
DR. LOVE
- Latest