Dear Dr. Love,
Wala na po akong natitirang pamilya kundi ang kinalakihang tiyahin ng aking ina na siyang kumupkop sa akin, matandang dalaga po siya.
Naobserbahan ko po ang kalungkutan niya sa buhay at ayaw ko po na magkaganoon ako. Minsan gusto ko nang mag-asawa agad. Pero hindi ko maiwanan ang aking ina-inahan lalo pa’t inaatake siya ng rayuma.
Hindi na po ako nakatuntong ng kolehiyo dahil kailangan ko po siya alagaan ng mabuti.
May nagkakagusto po sa akin, Dr. Love, si Mang Emil. Isa siyang balo. Pero ayaw ko po nang may edad. Hindi rin boto sa kanya ang aking ina-inahan dahil naghahanap lamang daw siya ng mag-aalaga sa kanya. Huwag raw akong magmadali dahil may darating na para sa akin.
Bahay, palengke, simbahan at clinic kapag sinasamahan ko ang ina-inahan ko magpa-doctor ang buhay ko, paano po ako makakatagpo ng lalaking iibigin ko? Mag-ampon na lang din kaya ako, gaya ng ina-inahan ko para matupad ang pangarap kong maging isang ina, ano po ang palagay ninyo sa balak kong ito? Pagpayuhan po ninyo ako. Maraming salamat.
Gumagalang,
Dory
Dear Dory,
Pakinggan mo ang iyong ina-inahan, na nagmamalasakit sa iyo hanggang sa kasalukuyang edad mo. Hindi minamadali ang pag-aasawa. Sa modernong panahon natin ngayon ay hindi na kailangang magpakalayu-layo para magkaroon ng bagong kakilala. Subukan mo maging pamilyar sa social media. Para habang inaalagaan mo ang iyong ina-inahan ay nagkakaroon ka pa rin ng pagkakataon para sa iyong sariling buhay. Lagi mo rin isama sa iyong mga dasal ang hangad mo na matagpuan ang lalaking magmamahal sa iyo ng tapat.
DR. LOVE