Hanggang gf lang
Dear Dr. Love,
Good day po sa inyo at sa lahat na kasamahan sa inyong publikasyon.
Ako po ay isang balo, 73-anyos. Ang apat kong mga anak ay pawang pamilyado na at may kanya-kanya nang pamumuhay.
Bagaman dinadalaw nilla ako nang salit-salitan halos araw-araw, nalulungkot pa rin ako sa aking pag-iisa.
Minsan nang magsimba ako, may nakasabay ako sa labas. Nakilala ko siyang si Penny. Dahil nagkataon na pareho kaming pupunta sa fast food ay niyaya ko na siyang sumabay sa akin sa kotse.
Nagkukuwentuhan kami at nalaman ko na balo rin siya. Mas malungkot ang buhay niya dahil wala siyang anak. Tanging ang malayong kamag-anak na kinuha sa probinsiya ang kasama niya sa bahay.
Mula noon ay naging madalas ang aming pagkikita. Minsan nakita kaming magkasama ng manugang kong si Dindo. Ipinakilala ko siya. Nang dumalaw ang anak kong si Liza sa bahay, asawa ni Dindo tinanong niya ako kung sino si Penny. Ikinuwento ko sa kanya ang aming pagkakakilala at ang maganda naming relasyon.
Natuwa ang anak ko at sinabing wala silang tutol na magkakapatid kung makikipagrelasyon ako sa ibang babae. Pero huwag na raw akong magpakasal. Dahil mangangahulugan iyon na malilimutan ko na ang yumao kong asawa.
Nalungkot ako dun, dahil alam kong gusto ni Penny na makasal kami bago magsama bilang mag-asawa. Ano po ba ang dapat kong gawin para mapamahal si Penny sa aking mga anak at hindi na pagselosan? Hintay ko po ang payo ninyo. Maraming, maraming salamat po.
Ang inyong tagahanga,
Daniel
Dear Daniel,
Bigyan mo ng pagkakataon na makasalamuha ng iyong mga anak si Penny. Sa inyong family gathering o kahit sa simpleng dinner kaya. Minsan kailangan ng panahon para magkaroon ng patanggap sa pagbabago sa ating buhay. Dito muna kayo mag-focus at mula sa magiging development ay saka kayo gumawa ng panibagong desisyon.
DR. LOVE
- Latest