Dear Dr. Love,
A warm and pleasant day to you Dr. Love, sana ay nasa mabuti kang kalusugan sa pagtanggap ng sulat ko.
Tawagin n’yo na lang po akong Jean, 22 anyos, may asawa at wala pang anak. Ako po ay 19-anyos pa lang nang magpakasal kami ng aking mister na ngayo’y 40-anyos na.
Pinagsabihan niya ako noon na kung hindi ko siya mabibigyan ng anak ay hihiwalayan niya ako at hahanap ng iba.
Nasaktan ako sa sinabi niya kaya ang sabi ko ay magpasuri kami sa doktor para malaman kung sino ang may diprensya. Sabi niya ay wala siyang depekto dahil may limang taong gulang siyang anak sa ibang babae.
Pero nakumbinsi ko siya na magpasuri at lumabas na wala akong diprensya at siya ang baog. Na-depress siya. Lagi siyang naglalasing ngayon dahil hindi niya matanggap ang resulta ng pagsusuri.
Sinusustentuhan kasi niya ang anak niya sa labas at ngayo’y lumilitaw na ang anak na iyon ay puwedeng hindi sa kanya. Laging mainit ang ulo niya at hindi makausap ng maayos.
Ano ang gagawin ko?
Jean
Dear Jean,
Sa ikakapanatag ng loob ng mister mo, pinakamabuti ay ipa-DNA test niya ang bata para malaman kung ito’y anak niya.
Kasi, baka naman noong araw ay hindi siya baog kaya nagkaroon siya ng anak at later in his life na lang nakuha ang pagiging baog.
Hindi niya dapat idaan sa init ng ulo ang problemang iyan dahil hindi ito malulutas. Kung mapatunayang anak niya ang bata, eh ‘di kunin niya sa inyong poder, kung papayag ang ina.
Dr. Love