Kaibigan lang ba o higit pa?
Dear Dr. Love,
Advance Merry Christmas and a Happy New Year sa inyo Dr. Love at sa lahat ng mga kasamahan ninyo sa PSN.
Bagaman Christmas season na matatawag ang pag-aabang ng marami sa paggunita sa kapanganakan ng ating Mesiyas, hangad ko na wala sanang maging problema ang lahat ng tao, lalo na ang may kaugnayan sa puso.
Pero mukhang hindi po talaga maiiwasan, ang ihihingi ko po ng payo ngayon ay kaugnay sa aking malapit na kaibigan at kababata na si Shirley.
Sa maraming pagkakataon po kasi ay nagiging mitsa ng hindi pagkakaunawaan namin ng aking girlfriend na si Brenda ang mga desisyon ko kaugnay kay Shirley. Halimbawa po ay kapag may date kami tapos biglang hindi matutuloy dahil may ipinakiusap sa akin si Shirley na hindi ko matanggihan.
Gaya po nitong huli na nakiusap siya na samahan ko sa isang kamag-anak na may birthday. Sa pareho ring araw ang date namin ni Brenda para manood ng sine at mamasyal. Pero mas pinili ko na sa isang araw na lang ang date para masipot ko si Shirley.
Naguguluhan po ako kung bakit nagkakaganon ang kalooban ko.
Mula bata ay malapit na kami ni Shirley, kaya alam niya ang maraming bagay tungkol sa aking mga naging relasyon. Madalas ay siya rin ang nagiging hingahan ko ng sama ng loob at tagapayo na rin. Hindi po siya attractive physically pero ang kabutihan ng kalooban niya, matalino at simple sa kabila ng karangyaan sa buhay ay may kakaibang dating.
Hindi ko rin po makakalimutan na ilang beses niyang pagsalba sa aking tuition fee na wala nang bayaran. Hindi ko po masiguro sa sarili ko kung kaibigan nga lang ba o baka naman hindi ko lang napapansin na matagal ko na pala siyang itinuturin nang higit pa sa kaibigan o kaya’y tumatanaw lang ako ng utang na loob?
Gumagalang,
Ben
Dear Ben,
Kung ito ba’y higit sa pagkakaibigan o pagtanaw ng utang na loob, tanging ang puso mo lang ang makakatiyak. Bigyan mo ng sapat na panahon ang sarili mo para suruin ang kalooban mo nang sa gayon ay maiwasan mong masaktan ang feelings ng iba.
DR. LOVE
- Latest