Naglaho pagkatapos ikasal

Dear Dr. Love,

Sana nasa mabuting kalagayan ka sa pagda­ting ng sulat kong ito. Ipinauuna ko na sa iyo ang pagpapasalamat sa pagpapaunlak mo sa akin para sa iyong column sa paborito kong Pilipino Star Ngayon.

Tawagin mo na lang akong Camille, 24-anyos na nursing student. Apat na taon na ang nakakalipas nang sumama akong makipagtanan sa aking boyfriend, nag-secret marriage kami sa Bulacan.

Pero hindi kami nagsama, tinatapos ko ang aking course at ganon din siya. Wala akong ideya kung valid ba ang nangyaring kasal sa a­ming dalawa.

Sa pagkakaalam ko ang nagkasal sa amin ay isang ministro ng isang sekta ng relihiyon.

Dr. Love, unang taon pa lang mula nang maikasal kami ay bigla na lang nawala ang aking napangasawa at hanggang ngayon ay hindi ko alam kung nasaan na siya.

Marami po akong gustong gawin sa aking buhay, pero laging pumapasok sa akin ang tungkol sa aming naging kasal. Nangangamba ako na baka maging hadlang ito sa aking posibleng pangingibang-bansa o kaya’y sa posibilidad din na magkaroon ako ng bagong pag-ibig.

Tulungan po ninyo akong malaman kung legal ang naging kasal namin. Maraming salamat po.

Camille

 

Dear Camille,

Malalaman mo lang kung legal o hindi ang inyong kasal kung itsi-check mo sa National Statistics Office o NSO. Kapag na-irehistro ang kasal doon, balido at may bisa.

Pero malakas ang hinala kong hindi totoo ang inyong kasal lalo pa’t ministro ng isang sekta ang nagkasal na hindi kapareho ng inyong relihiyon. Sa pagkakaalam ko ang mga ministro ay puwede lamang magkasal kung ang ikinakasal ay miyembro ng kanilang sekta.

Dr. Love

 

Show comments