Dear Dr. Love,
Minsan akong ipinakilala ng aking asawa sa misis ng kanyang kasama sa trabaho. May ilang ulit din kaming nagkasama ni Cheska sa event ng aming mga mister at kalaunan ay naging malapit na rin sa isa’t isa.
Madalas naming mapag-usapan ang tungkol sa buhay may-asawa, sa iba’t ibang sitwasyon sa bahay at sa pag-aalaga ng mga anak. Kaya nakaka-relate kami sa bawat isa.
Pero may issue na nakarating sa akin, Dr. Love. May nakakita na ang asawa ni Cheska ay may ibang babaeng pinagkakaabalahan. Pinagdudahan ko po ito noong umpisa dahil baka naman tsismis lang.
Hindi na po nagduda ang kalooban ko nang ako mismo ang makakita kay Arnold, akay-akay sa kanyang braso ang isang buntis na babaeng hindi nalalayo sa edad namin ni Cheska.
Kahit bago pa lang kaming magkakilala ni Cheska ay nasaktan ako para sa kanya at sa kanilang tatlong anak.
Ngayon po ay hindi ko malaman ang gagawin ko kung magtanong sa akin si Cheska. Maaaring sa kumpirmasyong masasabi ko ay masira ang kanilang pamilya na hindi ko po kayang dalhin. Pero mabigat din po sa kalooban ko na magsawalang-kibo. Paano kung ako ang nasa kalagayan ni Cheska, hindi ko po gusto na magkaila ang isang kaibigan sa akin. Pagpayuhan po ninyo ako kung ano ang pinakamabuting gawin?
Maraming salamat po.
Lyka
Dear Lyka,
Huwag mong i-pressure ang sarili mo sa nasaksihan mong pagtataksil ng asawa ng iyong kaibigan. For sure, hindi lang sa iyong mga mata mabubunyag ang lahat. Ang sabi mo nga ay may nakakita na, kaya siguradong kusang lalapit ang balita sa misis ng kaopisina ng asawa mo.
Ang pinakamabuti mong magagawa ay ipagdasal ang kaibigan mo na maging matatag siya. Sikapin mo rin na mabigyan siya ng kaunting oras para damayan siya at may mapaghihingahan siya ng sama ng loob. Tulungan mo rin siyang kumapit sa Dios, ang pinakamatibay na suporta sa pagbangon.
Dr. Love