Playboy ang BF

Dear Dr. Love,

Binabati kita ng isang mapagpalang araw, Dr. Love gayundin sa mga masugid na sumusubaybay sa iyong column.

Kung maaari’y ikubli mo na lang ako sa pangalang Loida, 21-anyos at nag-aaral ng accountancy.

Last month ay nakipag-break ako sa boyfriend kong si Dennis dahil sa kanyang pagi­ging playboy. Nalaman kong bukod sa akin ay mayroon pa siyang dalawang ibang girlfriends sa school.

Humingi siya ng sorry. Ako raw ang tunay niyang mahal at makikipag-break na siya sa ibang karelasyon niya. Pinagbigyan ko siya at naging kami uli.

Pero hindi siya tumupad sa usapan. Ako mismo ang nakakita na kaakbay niya ang kanyang gf sa isang mall nung isang linggo.

Tinext ko s’ya at sabi ko ayoko na siyang makita uli. Pero nagpumilit siyang magkita kami at nangakong talagang-talagang wala na siyang ibang mamahalin kundi ako. Umiyak ako sa harap niya at tinanggap ko siyang muli.

Sa palagay mo ba ay tutupad na siya sa usapan ngayon? Dapat ko ba siyang pagbigyang muli?

Gumagalang,

Loida

 

Dear Loida

Pambihira ka talaga. Tinanggap mo na nga siya uli nagtatanong ka pa kung dapat ka pang makipagbalikan sa kanya?

Ang sagot ko sa iyo ay bahala ka sa buhay mo. Binigyan ka ng talino ng Diyos, gamitin mo.

Masyadong palikero ang siyota mo at tila hindi marunong tumupad sa sariling pangako.

Kung kaya mong pagtiisan ang kanyang ugali sa kabila ng ginagawa niyang kataksilan, desisyon mo iyan.

Dr. Love

Show comments