Dear Dr. Love,
Kumusta Dr. Love? Dalangin ko na nasa maayos kang kalagayan sa pagtanggap mo ng sulat ko.
Tawagin mo na lang akong Sonny, 21-anyos at irregular student dahil sa kapansanan ko. Putol ang kanan kong paa at kailangan kong lumakad ng may saklay.
Isa akong mestisong German kaya sabi nila, guwapo. Kaso nga, dahil sa taglay kong kapansanan ay hanggang friends lang ang tingin sa akin ng mga babae, kahit ‘yung nagugustuhan ko.
Libangan ko ang facebook at dito’y nakilala ko si Sionie. Hindi ko binabanggit sa kanya ang kalagayan ko dahil natatakot akong mawala siya sa akin. Nagkagustuhan kami at nagpasyang magkita.
Doon niya nalaman ang buong katotohanan pero laking tuwa ko dahil hindi siya nagbago. Sabi niya, mahal niya ako kahit ano pa ang itsura ko.
Maglilimang-buwan na ang aming relasyon nang kalaunan ay napansin kong matamlay siya.
Nabatid ko na tutol ang mga magulang niya sa akin. Nagtatrabaho si Sionie at ako ay estudyante lang at pilay pa. Siguro iyan ang inayawan ng mga magulang niya sa akin.
Ano ang gagawin ko?
Gumagalang,
Sonny
Dear Sonny,
Tingin ko’y nasa wastong edad na kayo para magpasya sa sarili at hindi na puwedeng hadlangan ng inyong magulang ang inyong desisyon.
Kung mahal ka ni Sionie, hindi siya dapat patangay sa pagtutol ng kanyang ama’t ina.
Isa pa, hindi na kapansanan ngayon ang putol ang paa basta’t ang isang tao ay marunong magtrabaho at magsikap.
Moderno na ang siyensya at marami nang gumagala diyan na hindi mo halata ang kapansanan dahil sa prosthetics o artificial limbs na ginagamit nila.
Magsikap ka lang makatapos at kung kayo ni Sionie ay para sa isa’t isa, wala kang dapat ipag-alala.
Dr. Love