Balat kayo
Dear Dr. Love,
Sweet and warm greetings to you. Una sa lahat ay binabati kita sampu ng iyong mga tagasubaybay.
Tawagin mo na lang akong Fenny at ganito ang aking kasaysayan. Taong 1980 nang manood ako ng concert ng sikat na singer noon na si Anthony Castelo kasama ang tatlong kaibigan. Ang isa sa mga kaibigan kong lalaki ay nanliligaw sa akin at magkatabi kami.
Pareho naming nagustuhan ang awiting Balatkayo ni Anthony at mula noo’y lagi naming pinag-uusapan. Nang sagutin ko ang aking suitor, ipinasya naming gawing theme song ang Balatkayo. Hindi dahil sa mensahe nito na pakunwaring pagmamahal kundi dahil sa melody.
Pareho kami kasing amateur songwriter ng aking boyfriend at naniniwala na ang ano mang awiting naglapit sa amin ay puwedeng gawing theme song.
Hindi ko akalain na ang tema ng awiting ito ay magkatotoo sa aming relasyon. Nagtapat sa akin ang aking kasintahan na may asawa na siya at dapat na naming wakasan ang aming relasyon.
Masakit sa kalooban ko ang nangyari pero hindi ako nagpahalata. Nagbalatkayo ako na animo’y parang walang nangyari. Balatkayo ang ipinakita niyang pag-ibig sa akin at balatkayo rin ang ipinakita kong pagtanggap sa pakikipag-break niya. Tapos na ang kabanatang iyan.
Nagkaasawa ako at ngayo’y nabubuhay ng maligaya sa piling ng aming limang anak. Salamat sa pagpapaunlak Dr. Love.
Fenny
Dear Fenny,
Salamat sa pagbabahagi mo ng iyong magandang kasaysayan. Hindi ka man humihingi ng payo, maituturing ko ang sulat mo na may dalang positibong mensahe sa ibang makakabasa. Na ang pag-ibig ay hindi dapat gawing laruan o libangan. Walang pagbabalatkayo ang dapat mangyari sa isang relasyon na maaaring magdulot ng sakit kanino man.
Dr. Love
- Latest