Gusto nang lumaya
Dear Dr. Love,
Puwede pa bang magtagal ang pagsasama bilang mag-asawa ng isang babae at lalaki kung walang nang pagmamahal at nakokonsiyensa na lang alang-alang sa dalawang anak?
Ganito na lang po ang nararamdaman ko sa aking asawa na ngayon ay wala nang trabaho dala ng pagpapabaya at pride.
Nasa 22-anyos ako habang 30 naman siya nang ikasal kami. Nadala po ako sa pagrereto ni tatay sa akin na siya ang maging asawa. Sanggang dikit sila sa inuman at iba pang lakaran. Nang manalo pa si Anton sa lotto, malaking halaga ang balato niya kay tatay.
Nakatapos ako ng pag-aaral at ngayon ay ang siyang bumabalikat ng mga gastusin sa aming bahay, kasama na ang pagpapa-aral sa aming mga anak. Dahil ubos na ang perang pinagyayabang ni Anton, iniwan siya ng kanyang babae at baon pa sa utang dahil sa naluging negosyo.
Kung mabait lang po sana ang aking asawa sa akin at sa mga mga anak ay gugustuhin kong manatili sa kanya. Gusto ko rin po siya tulungan ngayon walang-wala na siya. Pero hindi ko po matagalan ang mga sasakit na sumbat niya sa akin, na pera lang niya ang aking pinakasalan.
Namayapa na po ang aking tatay, na lalong nagpasidhi sa kalooban kong makalaya kay Anton pero nakokonsiyensiya po ako.
Pagpayuhan po ninyo ako kung dapat ko ba siyang tustusan at paano ko makakayang manatili sa poder niya, sa kabila ng abusadong pananalita niya laban sa akin.
Gumagalang at nagpapasalamat,
Edna
Dear Edna,
Kung sa naiisip mong paglaya mula sa iyong asawa ay naghahangad kang mag-asawang muli, hindi ‘yun uubra dahil kasal kayo. Isa pa, gaano mo masisiguro na ang ipapalit mo sa iyong asawa ay mas makakabuti sa inyong mag-iina?
Gusto ko lang ipaalala sa lahat ng mga nagpakasal, na ang sumpaan ay sa hirap at ginahawa. Pero ikaw pa rin ang magdedesisyon para sa iyong buhay. Ang maipapayo ko lang ay sikapin mo na hindi isa pang mali ang maging solusyon mo sa problema ninyong mag-asawa.
DR. LOVE
- Latest