Dear Dr. Love,
Kumusta, Dr. Love? Tawagin mo na lang akong Weena. Limang tao na kaming kasal ng mister ko. Sa unang tatlong taon ay walang problema sa aming relasyon.
Ang hindi ko maintindihan ay sa ikaapat na taon namin ay bigla siyang naging malamig, nawalan ng gana sa pakikipagtalik. Inakala kong dahil ‘yun sa trabaho, pagod dahil sa tambak na paper works bilang accountant.
Hanggang sa may mabalitaan ako sa isang kaibigan na may babae raw ang aking asawa. Hindi ako naniwala dahil magkatabi kami lagi sa gabi at nagkakawalay lang kapag nasa trabaho siya. Pero sa isa pang pagkakataon ay kamag-anak ko naman ang nagsabi na may kasamang babae ang asawa ko at pumasok sa isang hotel sa Tagaytay.
Natatakot akong magtanong at baka malaman ko ang masakit na katotohanan. Ano ang gagawin ko?
Weena
Dear Weena,
Sa ganyang situwasyon, dapat ihanda mo ang iyong sarili. Magpakatatag ka sa ano mang malalaman mo. Sa kabila ng lahat, wala ka pang kumpirmasyon kung talagang may babae nga ang asawa mo. Eh kung isang kliyente lang ang babaeng kasama niya sa Tagaytay?
Kaya para magkaintindihan, tanungin mo siya pero magpakahinahon ka.
Dr. Love