Nasasaktan sa patutsada kay Mister

Dear Dr. Love,

Naging tradisyon na po ng pamilya ng aking biyanan ang magtipun-tipon sa kanilang ancestral home ang buong miyembro ng pamilya tuwing birthday ng sinuman sa mga anak.

At tuwing may ganitong okasyon ang handaan ay pot luck. Dahil kami ay naninirahan sa Maynila, ang toka naming pagkain ay hindi lutong bahay kundi mga luto nang pagkain na dinaraanan namin papuntang Batangas.

Kaya malimit ang toka na lamang ng mister ko ay inuming soft drinks o kaya’y alak. Bunso si Carlos at siya ang may pinakamahinang kita sa magkakapatid.

At tuwing medyo lasing na ang biyanan kong lalaki, dumudulas na ang kanyang dila at laging pinupuntirya ng maanghang na pananalita ang mister ko. Nanliliit po ako, Dr. Love sa sinasabi niyang under de saya ang aking asawa at maramot sa pagbibigay ng kunswelong allowance.

Ang lahat ng ito ay tinatawanan lang ni Carlos­ at kapag kami ay matutulog na, sinisikap niyang kalmahin ako at sinasabing dala lang ‘yun ng ispiritu ng alak.

Nalalapit na naman ang reunion ng pamilya. Sa tingin kaya ninyo, kung hindi na ako sasama sa pagtitipon ng pamilya ni Carlos, titindi ang pang-aalaska ng aking biyanan sa kanyang bunsong anak? Payuhan mo po ako.

Maraming salamat po.

Gumagalang,

Charmie

Dear Charmie,

Hindi ko masasabi kung titindi, ang maipapayo ko lang ay sikapin mo na ituon ang atensiyon mo sa iyong asawa at huwag sa masasakit na salita na patutsada ng iyong biyanan. Alalahanin mo na anu’t ano man ay magulang pa rin niya ‘yun. Kung siya nga ay idinaan na lang sa ngiti, sikapin mong mapanatili ang respeto gayundin ang pagmamahal sa mga taong dahilan kung bakit kabiyak mo ang asawa mo.

DR. LOVE

Show comments