Nanlamig o nagdahilan sa pangangabit?

Dear Dr. Love,

Hindi ko po ma-gets ang sarili ko kung bakit, bigla na lang akong nanlamig sa aking asawa. Wala pa po kaming isang taong kasal.

Ang tanging alam ko lang ay wala na siyang panahon para sa akin, dahil subsob siya sa mga trabaho sa opisina. Pagkagising sa umaga ay nagkukumahog na siyang umalis dala ang mga papeles na inuwi niyang trabaho.

Minsan ko na siyang pinanuna. Sinabi kong hindi ko kailangan ang karangyaang kinalakihan sa aking mga magulang. Kaya nga siya ang pinili kong pakasalan dahil kaligayahan mula sa kanya ang gusto ko.

Pero sinabi niyang babawi siya, gusto niya lang patunayan sa kanyang boss na kaya niya ang bagong trabahong ipinagkatiwala sa kanya. Isa pa, gusto raw niyang makaahon mula sa aming marangyang kasal. Ayaw niyang mapahiya sa aking mga magulang at manatiling isang kahig, isang tuka.

Sa aking pakiramdam, hindi ako ang maha­laga sa aking asawa. Ang kawalan niya ng panahon sa akin ay naging dahilan kaya napansin ko ang officemates na matagal nang may pagtatangi sa akin.

Sabi ni Dom, siya raw ang bahalang pumunan ng oras na hindi maibigay ng aking asawa. Ngayon po ay lulon na lulon ako sa kanya. Balewala na sa akin kung umuwi o hindi ang aking asawa. Dahil hindi na rin ako umuuwi sa oras sa aming condo.

Ngayon po ay hindi ko malaman ang sasa­bihin kay Dom dahil gusto na niyang magsama kami at magkaroon ng anak. Binata po siya at walang sabit sa buhay. Payuhan mo po ako.

Maraming salamat,

Ging

Dear Ging,

Kung tutuusin ay walang problema sa iyong asawa, ikaw ang may problema dahil nagiging makasarili ka sa iyong inaasal. Kabutihan ang hangad niya para sa nagsisimula ninyong buhay mag-asawa pero heto ka at lulon na lulon sa ibang lalaki.

Kung talagang tunay ang sinasabi mong mahal mo ang iyong asawa, kalasan mo ang lover­ mo at humingi ka ng tawad sa iyong mister­.

DR. LOVE

Show comments