Obligasyon sa kapatid

Dear Dr. Love,

Isa po ako sa masugid na suki ng PS NGAYON at ang column ninyong Dr. Love ang paborito ko. Lagi akong nakakapulot ng aral sa bawat  sulat na sinasagot ninyo.

Hindi ko akalain na makakabilang pala ako sa mga hihingi ng inyong mahalagang payo.

Tawagin n’yo na lang akong Juris. I am 22 years old at nagtatrabaho bilang call center agent. Niyayaya na akong magpakasal ng aking­ kasintahan.

Dalawang taon na kaming mag-on ni Romy. Hindi ako makapag-commit sa kanya dahil may isa pa akong kapatid na pinapag-aral at ako lamang ang inaasahan. Dalawang taon na lang at matatapos na siya ng accountancy.

May magandang trabaho ang kasintahan ko at nakapagpundar na rin ng sariling bahay.  Nangako naman sa akin si Romy na tutulong siya sa akin para pag-aralin ang aking ka­patid. Papayag ba ako sa gusto niya?

Juris

Dear Juris,

Kapwa kayo nasa tamang edad na ng ka­sintahan mo at kung nangangako naman siya na susuporta sa pag-aaral ng iyong kapatid, walang dahilan para ipagpaliban pa ninyo ang kasalan. 

Hinahangaan ko ang malasakit mo sa ka­patid pero mayroon ka ring sariling kinabukasan na dapat paghandaan.

Huwag ka nang magdalawang isip at baka ang boyfriend mo ang magbago ng desisyon.

Dr. Love

 

Show comments