Dear Dr. Love,
Kumusta po kayo Dr. Love at malugod akong nagpupugay sa inyo pati na sa mga readers ng malaganap n’yong column.
Itago n’yo na lang ako sa pangalang Ella at sa edad na 22, ako po ay walang asawa pero may kinakasama. Abot langit po ang pagmamahal ko sa aking live-in partner. Itago mo na lang siya sa pangalang Waldo.
Mahal na mahal ko siya at halos ginagawa ko at ibinibigay ang lahat ng gusto niya. May apat na taon na kaming nagsasama at kailan man ay hindi ko naisip na pagtaksilan siya. Guwapo kasi siya at talagang tipong pag-aagawan ng babae.
Ngunit bakit ganun, Dr. Love? Sa kabila ng mga pagpapakasakit ko sa kanya, nabalitaan ko na mayroon siyang ibang babae at mayroon pa siyang isang anak na sinusustentuhan. Hindi siya naging tapat. Magdadalawang taon na pala ang kanilang relasyon.
Masakit na masakit ang loob ko pero ayaw ko siyang sumbatan. Nagbubulag-bulagan na lang ako dahil baka kapag sinumbatan ko siya ay iwanan na lang niya ako dahil wala kaming anak at may anak siya sa ibang babae niya. Kunwa’y wala akong alam. Takot kasi ako na baka iwanan na niya ako nang ganap.
Ano ang gagawin ko? Hirap na hirap na ako.
Ella
Dear Ella,
Una sa lahat, ikaw ang pumasok nang kusang loob sa relasyong walang kasal. Dapat ay nakahanda ka ring tanggapin ang ibubunga ng ganyang ginawa mo.
Hindi ako pabor sa ginagawa mong pagbubulag-bulagan dahil nagmumukha kang kawawa. Karapatan mong malaman ang buong katotohanan at hindi mo ito malalaman kung hindi ka mag-uusisa?
Hindi malulutas ang problema sa pagsasawalang-kibo. Kung ako nga ang nasa kalaÂgayan mo ay puputulin ko na ang ganyang relasÂÂyon dahil ito’y malaking kasalanan sa Diyos.
Sa pananaw ko, nangyayari ang problemang iyan sa iyo dahil gusto na ng Diyos na lubayan mo na ang pakikisama sa lalaki nang walang kasal. Bata ka pa sa edad na 22. Humayo ka at baguhin ang direksyon ng iyong buhay.
Dr. Love