Dear Dr. Love,
Hanggang sa isinusulat ko ang liham ko na ito para humingi ng payo mo ay nananatiling malamig ang pakiramdam ko para sa aking asawa. Natuklasan ko kasi ang malaking kasinungalingan niya sa akin.
Alam kong may edad na para sa akin si Lani dahil sinabi niyang pitong taon ang tanda niya sa akin, 27 years old ako nang makasal kami. Pero nito lang bakasyon ay sumambulat sa akin ang totoo na hindi siya 39 years old, kundi 52 na siya.
Petit kasi ang asawa ko at talaga naman na hindi halata ang kanyang edad. Kasunod ng katotohanang ito ay ang pagguho ng pangarap ko na magkaanak kami. Ayaw ko na siyang samahan na magsayaw sa Obando gaya ng payo ng aking magulang para magkaanak kami.
Sa aking pagkadismaya ay hindi ko na rin magawang sumiping sa kanya dahil balewala rin pala, hindi na kami magkakaanak.
Nangyari ito nang magbakasyon sa amin ang mga pamangkin niya at magkabiruan. Napikon siya at nag-walkout. Hindi na siya nakapagkaila nang mga sandaling iyon at humingi ng tawad sa akin.
Ang sabi ni Lani, handa niya naman ibigay ang kalayaan ko kung gustuhin ko para magkaanak pa ako sa ibang babae.
Sa totoo lang po Dr. Love, pinag-iisipan ko ng mabuti ang alok niya at nararamdaman kong gusto ko itong bigyan ng konsiderasyon. Pagpayuhan po ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin.
Gumagalang,
Delfin
Dear Delfin,
Age don’t really matter when it comes to love. Pero ang isyu mo ay gusto mong magkaanak. Sa totoo lang, kasama sa ground ng pagpapawalang bisa sa kasal ang kaso mo sa iyong asawa. Pero sabi mo, mahal mo siya. Kaya pag-isipan mong mabuti at tiyakin sa iyong kalooban ang anumang pasya bago mo bitawan. Dahil hindi lahat ng tinatalikuran ay pwede pang balikan. Samahan mo ng dasal para mas maging malinaw sa iyo ang dapat mong maging desisyon.
DR. LOVE