Ayaw tumandang binata

Dear Dr. Love,

A warm Christian greeting to you. Isa ako sa masugid ninyong tagasubaybay sapul pa nang ako’y nag-aaral sa kolehiyo.

Mangyaring tawagin mo na lang akong Eli, 29-anyos na at binata pa rin. Naging masyado akong abala sa aking negosyong junk shop kaya hindi ko na naasikaso ang pag-ibig.

Pero ngayo’y nag-aalala ako dahil mabilis lumipas ang panahon at baka tumanda akong binata. Kaya nanligaw ako kahit hindi ko masyadong kursunada.

Maganda naman at mabait ang kasin­tahan ko pero hindi ko madama ang feeling na umiibig gaya nang naramdaman ko sa aking unang­ girlfriend noong araw.

Dapat ko ba siyang tuluyan dahil lamang nag-aapura akong makapag-asawa. Kasi, parang wala pa akong natatagpuang babaing talagang nagpatibok ng puso ko tulad ng kasinta­han ko noong college na may asawa na ngayon. Tulungan mo sana akong magpasya.

Eli

Dear Eli,

Sa pag-aasawa, kailangang ikonsidera palagi ang factor na love. Maraming nag-aasawa for convenience pero kadalasan hindi nauuwi sa mabuti ang relasyon. Mayroon din namang nag-survive at na-develop ang pag-iibigan sa kalaunan.

Pero ang pag-aasawa ay bagay na hindi dapat isugal. Mabuti sana kung matitiyak mong ito’y mauuwi sa happy ending. Paano kung hindi?

Pag-aralan mong mabuti ang situwasyon mo at baka kapwa kayo magsisi ng mapapa­ngasawa mo.

Dr. Love

Show comments