Nagpapasalamat sa pagpikot

Dear Dr. Love,

 

Kung noong una ay sinisisi ko ang mga magulang ni Lydia nang pikutin ako dahil sa minsang umagahin kami sa aming pagde-date, ngayon po ay ipinagpapasalamat ko na, dahil ang malaking aral na itinuro nito sa akin bilang ama ng sarili ko nang pamilya.

Ang panliligaw ko noon kay Lydia ay bunsod nang pagkaunsiyami ng relasyon namin ni Alona, mas matimbang sa kanya ang pa­ngako sa mga magulang niya na magtatapos ng medisina at saka na haharapin ang pag-ibig.

Nasaktan po ako sa desisyon niya kaya’t ang kaklase kong may matagal nang crush sa akin ang nabalingan ko para makalimot. Alam ni Lydia ang pinagdaraanan ko kaya sinamahan niya ako at hindi tumanggi nang mag-over night kami sa Tagaytay.

Nangyari ang kasalan, nagbuntis si Lydia at nang manganganak na siya sa government hospital ko siya dinala. Doon ay hindi ko akalain na magkukrus muli ang landas namin ni Alona, intern siya sa OB Gyne. Tinulungan niya kami hanggang makaraos ang aking asawa.

Nagpapasalamat siya dahil may nagmahal ng tapat sa akin, ganon din ako, Dr. Love. Nag­papasalamat ako dahil napagaan niya ang kalooban ko nang malaman na hindi siya galit sa mga nangyari.

Wala po kaming binayaran sa ospital at regalo na raw iyon sa amin ni Alona. Walang pagsisisi sa puso at sa katunayan ay pinagpapasalamat ko pa ang naging pagpikot sa akin ng mga magulang ng aking asawa.

Sana makaabot kay Alona na lubos ang pasasalamat ko sa kanya sa pagmumulat niya sa akin tungkol sa pagiging ama ng sarili kong pamilya.

 

Gumagalang.

Ador

 

Dear Ador,

 

Alam ng Dios kung paano tutuparin ang mga pangako Niya para sa ating lahat. Sa pagkakataon ng tiyak na pangangailangan, ang dati mong nobya ang naging outlet para sa kabutihan ng Dios. Sana nga, sa pamamagitan ng column natin ay makarating ang pasasalamat mo sa kanyang kabutihan. God bless you!

 

DR. LOVE

Show comments