Magpapakasal sa gay

Dear Dr. Love,

My warmest greetings to you. Masaya ako at may column na tulad ng sayo na nakatutulong sa mga may problema sa pag-ibig.

Nagkataon na ako’y kabilang sa mga taong ito na ibig humingi ng mahalaga mong payo.

Tawagin mo na lang akong Remy, 26 anyos at isang manikurista sa isang parlor.

Ang boss ko ay isang bading pero di­sente at mabait. Dahil dito’y nagka-crush ako sa kanya. Siya ay 45 anyos na.

Paborito rin niya ako kaya parang kinikilig ako sa tuwing nag-uusap kami. Bagamat nahahalata rin ang pagiging bakla niya. Hindi siya ‘yung tipong magaslaw.

Isang araw, hindi ko sukat akalain na sabihin niya sa akin na gusto niyang magkaroon ng tunay na anak. Dahil dito, inalok niya ako na magpakasal kami.

Tinanong ko siya kung pakakasalan niya ako dahil mahal niya ako o dahil gusto lamang akong anakan. Ang sabi niya ay mahal daw niya ako.

Sinagot ko siya at nakatakda kaming ikasal sa Hunyo. Tama ba ang ginawa kong pagtanggap sa kanya?

Remy

 

Dear Remy,

Kung mahal mo siya at mahal ka niya, walang mali riyan. Kahit may puso siyang babae, lalaki pa rin siya at kung sa moralidad ay hindi ito immoral lalu pa’t magpapakasal kayo.

Iba-iba rin naman kasi ang mga bakla. Mayroong hindi umiibig sa babae kundi puro lalaki lang. Nagkataon na ang boss mo ay napaibig mo.

Yaman din lang at may crush ka sa kanya, go for it and I wish you all the best.

Dr. Love

 

Show comments