Hindi pala kayang iwanan

Dear Dr. Love,

Akala ko noong una ay tuluyan nang nawala ang pananabik ko kay Beth, ang babaeng muntik ko nang ipalit sa aking asawa noong ako pa lang ang nasa US. Doon po kami nagkakilala ni Beth at halos magpasya nang abandonahin ang aming pamilya para magsama.

Hindi lang umayon ang pagkakataon noon, Dr. Love dahil nagpasya ang asawa kong si Elena na sumama na sa US at bitbitin ang aming apat na anak. Doon na po sila nagsilakihan at may apo na ako ngayon sa aking panganay na anak.  

Mabait, maalaga at organisadong asawa at ina si Elena, pero ang pakiramdam na nagpapabata sa akin ay naipapadama lang ni Beth. Kung sana ganoon din ang aking asawa.

Muli kaming nagkita ni Beth nang magbakasyon ako ng Pinas, nagbalik na naman lahat ng mga naudlot naming pangarap. Naisip ko na naman na iwan ang aking pamilya, tutal sa kaabalahan ni Elena sa aming pamilya sa kanyang trabaho at mga apo ay hindi naman kako ako isang malaking kawalan para sa kanya.

Nakapag-usap na kami noon ni Beth kung paano tutuparin ang aming plano, nang biglang tumawag ang aking anak at sinabing na-stroke ang aking asawa. Noon ko nakita, Dr. Love ang matinding kagustuhan na makita agad si Elena. Hindi na ako nakapagpaalam kay Beth at agad na bumalik ng US.

Nang mga sandali ring iyon ay napatunayan ko sa aking sarili na hindi ko kayang iwanan ang aking asawa. Siya ang nag-aalaga sa aming lahat, ngayon siya naman ang nangangailangan nito.  

Pinagsisisihan ko na ang nagawa kong pandaraya sa kanya, ganun din ang na-realize ni Beth na nakiusap na ihingi ko rin ng pasensiya.

Gumagalang,

John

Dear John,

May dahilan ang lahat ng mga nangyayari sa ating buhay. Sa malubhang pagkakasakit ng iyong asawa, na-realize mo ang iyong pagkakamali at inuudyok na pagsisihan mo ito at itama.

Isang napakagandang pagkakataon ito sa iyo para makabawi sa lahat ng kabutihan ng iyong asawa. Kasama mo kami sa panalangin na bumuti ang pakiramdam niya.

DR. LOVE

Show comments