Dakilang pag-ibig sa kapatid

Dear Dr. Love,

Kilala po ang aming pamilya sa lalawigan ng Quezon, kung kaya ang minsang pagkakamali ay talaga namang nag-iwan ng malaking mantsa sa aming angkan.

Hindi makapaniwala ang marami sa aming mga kamag-anak sa kinahinatnan ng buhay ng aking kapatid na si Benilda, nalulong siya sa sugal at iniwan ang kanyang mag-aama para sumama sa ibang lalaki. Bunga nito ay isinumpa siya ng lahat, maski ng sarili niyang pamilya.

Ang mga nangyari ang sinisisi ng aming mga kamag-anak kung kaya’t namatay agad ang aming mga magulang.

Nalaman ko po na may sakit si Benilda sa Los Angeles, California kung saan siya nanirahan kasama ang sinamahang lalaki. Pero iniwan na rin siya nito. Walang sinuman ang umaaruga sa kanya. Hindi ko po matiis ang kapatid ko kaya pinuntahan ko siya, kahit pa maging ako ay kamuhian na rin ng aming mga kamag-anak.

Balak ko pong iuwi ang aking kapatid sa ating bansa para ipagamot at mabigyan ng pagkakataon na mapagsisihan at maitama ang mga  naging pagkakamali niya. Tama po ba ang paniniwala ko, Dr. Love?

Pagpayuhan po ninyo ako.

Gumagalang,

Calestina

Dear Calestina,

Lahat ay nagkamali kaya hindi dapat ipagkait ang pagkakataong makapagsisi at maiwasto ang mga kamalian. Hinahangaan kita sa iyong napagandang prinsipyo sa buhay, lalo na sa dakilang pagmamahal mo sa iyong kapatid.

Samahan mo ng dasal ang iyong mga plano para sa iyong kapatid, isama mo na rin sa panalangin na hipuin ng Diyos ang puso ng iyong mga kamag-anak para mabago ito at hindi maging matigas na patawarin ang iyong kapatid. Dahil ang galit ay walang magandang idinudulot sa kanino man.

DR. LOVE 

 

Show comments