Dear Dr. Love,
Pinoproblema ko po ngayon kung paano ang pinakamabuting gawin para tuluyan nang makawala sa guilty feelings dulot ng pakikipagkontsabahan ko sa aking best friend, sa kanyang pagsisinungaling para makuha ang gusto niya.
Ang unang malaking kasinungalingan ay nang magpanggap siyang buntis sa noo’y boyfriend pa lang niyang si Roger para pakasalan siya. Pero nagkabukuhan bago ang kasal at kaming mga kaibigan ni Annie ang nagpapaniwala na nagkaroon ang aming kaibigan ng miscarriage.
Sinabi ko kay Annie na huli na ang ginawa kong pagtatakip para sa kanya. Umayon naman siya at sinabing hindi na mauulit ang ganoong sitwasyon. Pero Dr. Love, hindi pa man nagtatagal ay heto na naman siya at nagtatawag ng kaibigan para magsilbing guarantor tungkol sa kanyang utang, na kailangan bayaran sa loob ng anim na buwan.
Inalmahan ko na si Annie, Dr. Love at nakiusap na huwag na niya akong idamay sa usaping ito. Hanggang ngayon ay hindi pa naman ako kinakausap ng asawa niya para tanungin kung ano ang nalalaman ko sa utang na ito ni Annie.
Pero buo na ang loob ko na ipagtatapat ko na kay Roger ang ginawa ng kanyang asawa. Masyado na akong apektado sa pagtatakip para kay Annie. May pananagutan po kaya ako sakali’t lumala ang hindi pagkakaunawaan nilang mag-asawa kung sasabihin ko ang katotohanan?
Gumagalang,
Dee
Dear Dee,
Sa palagay ko ay oo, dahil nagiging bahagi ka ng paulit-ulit na panloloko ng iyong kaibigan sa kanyang asawa. Kung ako sa iyo ay panindigan mo ang sinabi mo kay Annie na huwag ka nang idamay at hindi ka na aayon sa kanyang maling paraan para makuha ang gusto.
Tungkol naman sa pagtatapat, kung hindi naman hinihingi ng pagkakataon ay hindi mo kailangang komprontahin ang asawa ng iyong kaibigan at magsabi sa kanya. Ngayon kung tatanungin ka, saka mo sagutin para mawala ang pagka-guilty mo. Sa pamamagitan din nito ay matutulungan mo ang iyong kaibigan na magbago.
DR. LOVE