Sabik magkaapo

Dear Dr. Love,

Ako po at ang aking asawa ay matagal nang nangangarap na sana bago man lang kami igupo ng karamdaman, makapagkarga man lang ng kahit isang apo.

Dalawa ang aming anak, lalaki ang pa­nganay at ang bunso, bagaman isinilang na babae ay kuwestiyonable ang kasarian.

Laking pasasalamat na sana naming mag-asawa nang ibalita ng aking panganay na si Sergio na matutupad na ang aming pangarap na magka-apo dahil mag-aasawa na siya. Tatlong taon na raw niyang karelasyon ang babae, na isang Pilipina.

Pero mahabaging Panginoon, ang himutok ko nang malamang may asawa at da­lawang anak si Laila. At ang sinasabing apo namin ay ang legal na asawa niya ang kinikilalang ama. Wala ring katiyakan kung ang bata nga ay anak ng aming anak.

Pinayuhan naming ang aming anak na tiyakin muna na kanya ang bata at masyadong komplikado kung magpapakasal sila dahil wala naman diborsiyo sa ating bansa. 

Nagalit ang anak namin sa mga pa­ngam­bang sinabi naming sa kanyang pag-aasawa. Paano nga ba kami susuporta kung mang-aagaw lang naman siya ng asawa nang may asawa?

Dapat bang makialam kami sa usapin sa puso ng aming anak dahil bilang magulang wala kaming tanging nais para sa anak kundi maging maligaya siya at maiiwas sa anumang problema.

Gumagalang,

Mrs. P. Leynes

Dear Mrs. Leynes,

Hindi nawawala ang karapatan ng magulang na gabayan ang anak, lalo na sa mga bagay na maaaring makaapekto ng hindi maganda sa kanyang buhay.

Pero nasabi na ninyo ang dapat, hindi naman ninyo maaaring kontrolin ang isipan ng inyong anak. Kaya pinakamabuti ay lagi ninyong isama sa inyong panalangin ang anak na ma-realize niya ang inyong mga payo. Gayundin ang bunso na sa huli ay matutunan na tanggapin ang kasarian na kaloob ng Lumikha. God bless your family.

Dr. Love

Show comments