Pagmamahal sa magulang
Dear Dr. Love,
Napakalaki ng aking problema sa ngayon, Dr. Love Naiipit ako sa pagmamahal sa aking asawa at pagmamahal sa aking magulang. Nag-iisa po akong anak. Late na rin po akong nag-asawa dahil sa kapipili ko ng magiging esposo na papasa sa pihikang panlasa ng aking mga magulang.
Si Danny, ang asawa ko ay pumasa, hindi tumutol ang aking mga magulang nang sabihin noon ni Danny na isasama niya ako sa Canada dahil natanggap na noon ang kanyang application para maging immigrant.
Pagkakasal namin ni Danny, nauna siyang umalis at pinitisyon na niya ako at pagkaraan ng isang taon, na-approve naman ang aking appliÂcation.
Nakakadalawang taon pa lang ako sa pagsasama namin ni Danny nang magkasakit si papa kaya nagpasya akong umuwi muna para dalawin ang aking mga magulang. Hindi nagÂtagal ay binawian ng buhay ang aking ama.
Nang pabalik na kami ni Danny sa Canada, damang-dama ko ang kalungkutan ni mama. Kaya kinausap ko ang aking asawa at hiniling na magpapaiwan muna ako para maihanda ang mga papeles ni mama at maisama ko siya sa Canada. Pero tutol si mama.
Malimit sa gabi, umiiyak si mama. Bukod sa naalala niya si papa, iniiyakan na raw niya ang pag-alis ko. Nakadalawang buwan ang bakasyon ko bago ako nakabalik ng Canada.
Mag-aanim na buwan naman akong buntis nang ma-ospital si mama dahil sa kumplikasyon. Kaya agad akong umuwi. Dahil dito, ipinasya ko na sa Pilipinas manatili at manganak para matutukan ko ang kalagayan ng aking ina. Alam kong naghihimutok na si Danny.
Tama lang ba ang desisyon ko, Dr. Love?
Gumagalang,
Finnah
Dear Finnah,
Ang dakilang pagmamalasakit sa magulang, kailan man ay hindi magiging mali. Dahil ito’y larawan ng wagas na pagmamahal ng anak sa pinakamahalagang tao sa kanyang buhay.
Maaaring bahagi lang ng pag-alala at pagka-miss sa iyo ng asawa ang kanyang reaksyon, alam ko maiintindihan ka rin niya. Hinahangaan ko ang pagpapahalaga mo sa iyong mga magulang.
Kasama mo ako at ang pitak na ito sa panaÂlanging matamo niya ang tuluy-tuloy na pagbuti ng pakiramdam. May our good Lord take care of you and your child too. God bless!
Dr. Love
- Latest