Namamangka sa dalawang ilog

Dear Dr. Love,

How are you, Sir? Sumulat ako sa iyo dahil tulad ng iba ay may problema ako sa aking kasintahan.

Tawagin mo na lang akong Erlin, 20-anyos. Mag-iisang taon na kami ng boyfriend ko nang malaman kong may iba siyang girlfriend na nakatakdang magbalikbayan mula sa Canada.

Nalaman ko ito mula sa aming common friend na nadulas ang dila at nabunyag tuloy ang kanilang secret na magkaibigan.

Umamin naman siya sa akin. Ang sabi  niya, nauna raw ang babaeng ‘yon bago kami. Pero sabi niya, mahal na mahal daw niya ako at handa siyang makipag-break sa girlfriend niyang ‘yon.

Nasaktan siyempre ako. Kasi, ramdam ko’y ginawa lang akong panakip-butas nang magpunta ng Canada ang girlfriend niya. Naiinis ako na hindi ko maintindihan. Gusto ko nang maki­pag-break. Pagpayuhan mo ako.

Erlin

Dear Erlin,

Ikaw lamang ang makakapagdesisyon kung kakalasan mo ang boyfriend mo o hindi. Pero baka naman nagsasabi siya ng totoo na ikaw ang kanyang tunay na mahal at handa siyang makipag-break sa paparating niyang girlfriend.

Hintay-hintayin mo kung tototohanin niya ang kanyang sinabi. Kung hindi, talagang dapat mo na siyang kalasan.

Dr. Love

 

Show comments