Paghahanda sa pagtanda

Dear Dr. Love,

Tinatawag na nila ako ngayong matandang dalaga sa edad na 42. Wala akong steady boyfriend. Pero dati naman ay nagkaroon ako ng karelasyon, nagkasawaan nga lang kami at naghiwalay.

Hindi ko po naiisip na mag-ampon kundi lang nang sumakabilang buhay na ang aking mama at naiwan akong mag-isa sa ipinundar kong bahay at lote.

Actually, noon pa mang may sakit ang nanay ko, siya mismo ang nagmungkahi na kumuha ako ng adopted son o daughter na ituturing kong parang sariling anak. At nang may makasama ako sa aking pagtanda, dahil hindi ko na naiisip na mag-asawa.

Pero hindi pabor dito ang tatlo kong mga kapatid. Kung ang iniisip ko lang daw ay ang aking­ pagtanda, nariyan lang naman silang mga kapatid ko at marami akong mga pamangkin na siyang titingin sa akin.

Pero naisip ko, iba rin ang sariling anak kahit adopted dahil kahit hindi kadugo, kung ako ang magpapalaki, ako ang kikilalanin niyang tunay na ina.

Ang inaalala ko lang po, baka hindi ako ma-qualify dahil solo lang ako. Walang asawa ba­gaman alam kong sa aspetong pinansiyal, wala akong problema. Nais ko po magtanong at hu­mingi ng tulong sa inyo kung paano ako makakahanap ng bata para ampunin ng legal.

Hangad ko po ang daglian ninyong kasagutan sa problema ko.

Gumagalang,

Zenaida

Dear Zenaida,

Kung ikaw ay handang matali sa responsibilidad ng isang ina sa batang iyong aampunin, ang rekomendasyon ko sa iyo magpunta ka sa DSWD at sumangguni tungkol sa bahay ampunan na mayroong mga batang angkop sa nais mong angkinin bilang anak. Ang ahensiya din na ‘yon ang gagabay sa iyo para ma­kapag-adopt ka ng legal.

Wala namang masama sa pag-aampon. Kung ang bagay na ito ang magbibigay ng kapanatagan sa iyo kaugnay sa iyong pagtanda, Malaya mo itong magagawa. Hangad ng pitak na ito ang kaligayahan para sa iyo at sa masuwerteng anghel na mapupunta sa panga­ngalaga mo. 

Dr. Love

Show comments