Gustong maging maligaya ang ina

Dear Dr. Love,

Mula nang mamatay ang daddy ko, ako at ang dalawa kong anak ay sa bahay na ng aking mga magulang nanirahan. Para may makasama ang mommy ko at hindi mabur­yong. Gusto ko po na maging maligaya ang mommy ko pero nahihirapan po ako.

Program coordinator po ako sa isang kumpanya sa aming lugar at aminado po ako sa demand ng aking trabaho ay hindi ko na masyadong nabibigyan ng panahon si mommy. Halos sa katulong na nakadepende ang kanyang pagkain at pag-inom ng gamot.

Pero nitong mga nakaraan ay napapansin ko po na nagiging sensitibo na ang aking mommy. Kahit noong dalaga pa ako ay metikulosa na siya sa gamit, kaya hindi po ako nagtataka kapag napapagalitan ang aking mga dalagita. Makailang ulit ko na rin po silang napagsasabihan.

Dr. Love, balo rin po ako gaya ng mommy ko, nahihirapan po akong dalhin ang res­ponsibilidad ko sa aking mommy at sa mga pangangailangan naming mag-iina. Gusto ko po na maging maligaya ang aking ina sa nalalabi niyang buhay sa mundo. Pero hindi ko po magawa ng husto ang tungkulin ng pagiging anak, ina at empleyado nang hindi nagkukulang sa alin man sa mga ito.

Humingi na po ako ng saklolo sa mga kapatid ko pero maging sila ay busy sa kani-kanilang pamilya. Kung minsan po ay iniiyak ko na lang mag-isa ang pagkadismaya. Pagpayuhan po ninyo ako.

Maraming salamat at more power po.

Gumagalang,

Sylvia

Dear Sylvia,

Kung hindi makakapunta ang iyong mga kapatid sa inyong kinalakihang bahay, siguro magandang ikonsidera mo na pagbakasyunin ang inyong mommy sa bawat bahay ng iyong mga kapatid.

Makakatulong ito para magkaroon siya ng iba’t ibang environment, makakasa­lamuha niya pa ang iba pang mga apo niya. Higit sa lahat ay malalaman din niya ang kalagayan sa buhay ng iba pa niyang mga anak.

Ang pagtutulungan ninyong magkakapatid ang makakaresulba sa kondisyon ng inyong ina. Ipagdasal mo rin lagi ang inyong mommy. Happy Mother’s Day sa lahat ng mga ina!

DR. LOVE

 

Show comments