Guy ang pakipot

Dear Dr. Love,

Karaniwan mga babae ang nagpapakipot, pero may mga lalaki rin pala, Dr. Love. Ito po ang kinaiinisan ko ng husto sa crush na crush kong si Ferdie. Matagal na akong gumagawa ng paraan para mapansin niya, kahit noong teammates niya pa ang kuya ko sa basketball at madalas siyang magpunta sa aming bahay.

Noong nasa first year high school naman ako ay madalas akong sumisingit sa usapan nila ni kuya para magpaturo ng assignment sa math. Pareho kasi silang engineering at madali lang para sa kanila ang magturo ng homework. Pero ang totoo po ay paraan ko lang ito para mapansin ni Ferdie.

Mabilis na lumipas ang panahon, akala ko ay kasama na ring lilipas ang pagka-crush ko kay Ferdie pero nagkamali ako. Dahil nang magkita kami, sa kasal ng aking kuya kung saan siya ay best man at dahil best friend ko ang bride, ako ang bride’s maid, ay crush ko pa rin pala siya. Pero dedma pa rin siya sa akin, nagbeso siya sa mommy at ate ko pero sa akin, “wala lang.”

Sa isang hindi inaasahang duty ko sa ospital bilang nurse, nakita ko si Ferdie sa lobby. May dadalawin daw siyang uncle sa surgery ward kung saan ako naka-assign kaya sinamahan ko siya. Akala ko “wala lang” na naman ako. Bago siya umalis ay nagtanong siya kung hanggang anong oras ang shift ko at kasunod nito ang pag-aayang mag-dinner kami.

Kasunod nang hindi inaasahang dinner ay ang kinabukasan na parang pinaulanan ako ng rosas na padala ni Ferdie. ‘Yun na at pagkalipas ng limang buwan ay ikinasal na kami. Nadiskubre ko na si kuya pala ang nagsabi na crush ko si Ferdie, na matagal na rin palang nagpipigil sa kanyang feelings para sa akin.

Masaya po kaming nagsasama hanggang sa kasalukuyan, kapiling ang dalawa naming anak. Ang dating kinaiinisan kong pakipot ay talagang love na love ko.

Maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa sulat ko.

Gumagalang,

Vina

Dear Vina,

Isa sa mga nakakatuwa at inspiring ang letter­ mo. Maraming salamat sa pagtitiwala mo sa ating column. Hangad ko ang tuluy-tuloy na kaligayahan ng pamilya mo. God bless you more.

Dr. Love

Show comments