Ayaw magsustento

Dear Dr. Love,

Wala pang isang taon na nakipaghiwalay ako sa mister kong si Edwin. Umuwi ako sa poder ng aking magulang nang hindi ko na po matagalan ang pagbubuhay binata niya.

Hindi lang pala lulong sa bisyong alak at babae si Edwin. Gumagamit na rin siya ng droga.

Ang mister ko po ang tagapamahala ng kanyang ina sa negosyo nitong hardware. Dahil mayroon naman siyang kinikita, kinausap ko siya at maging ang kanyang ina na magbigay naman ng kahit P6,000.00 kada buwan para makatulong sa gatas ng bunso naming si Jun-jun at sa pag-aaral ng panganay naming si Roland.

Pero ayaw po niyang magbigay kahit singko. Bagaman ako ay mayroong sariling kita, mayroon din naman siyang responsibilidad na magbigay ng tulong sa gastos ng aming dalawang anak.

Ang masakit pa nito, nakikita ng aming pa­nganay na anak ang mga post niyang photos kasama ang kanyang bagong 23-taong gulang na kirida na kasama kung saan-saan sa pagliliwaliw.

Mayroon din akong kaibigan na nakakuha ng kanyang larawan at ang babae niya na nagtutungo sa casino.

Bagaman ang panganay namin ay walong taong gulang pa lang, masama ang loob niya sa kanyang ama dahil sa ipinagpalit niya sila sa kanyang babae.

Ayaw kong gatungan ang sama ng loob ng bata pero nasaktan ang puso niya sa hiwala­yang nangyari at ang pagpapabaya ng ama sa kanilang magkapatid.

Mula nang maghiwalay kami, ni minsan din ay hindi man lang niya nadalaw ang dalawang bata gayong alam naman niya kung saan kami nakatira.

Ano po ba ang maipapayo ninyo sa akin? Kailangan ko na kayang dumulog sa korte para obligahin ang dati kong mister na magbigay ng tulong pinansiyal?

Ang ina naman ni Edwin, ayaw makialam sa aming problema. Palibhasa’y hindi naman niya ako masyadong kinalulugurang manugang.

Gumagalang,

Nanette

Dear Nanette,

Kung talagang wala ka nang kahit katiting na pagmamahal at respeto sa asawa mo, ang maipapayo ko para siya maobligang magbayad ng alimony ay idaan ninyo sa korte ang usapan.

Dr. Love 

 

Show comments