Pinaglapit uli ng tadhana

Dear Dr. Love,

Walang nakakabatid ng kapalaran ng isang tao. Tanging ang Maykapal lang ang nakaka­alam kung ang dating magsing-irog na nagkalayo ay may pagkakataon pang magkabalikan at bigyan ng bagong pagkakataong patunayan na sila ay para sa isa’t isa.

Ito po ang naging kasaysayan ng aming pagmamahalan ng childhood sweetheart ko na si Henry.

Tinutulan noon ng tatay ko ang plano na­ming­ pagpapakasal bago umalis si Henry nang matanggap siyang US navy. Bata pa raw kami sa edad na 23 at mahihirapan kami kapwa na magsimula ng pagpapamilya kung laging nasa dagat si Henry at maiiwan lang ako sa bahay.

Nag-break kami ni Henry. Natuloy ang pagsakay niya sa barko. Samantalang nakatapos na­man ako ng nursing. Nawalan na kami ng komu­nikasyon at nagkaroon ng kanya-kanyang pamilya.

Pagkatapos ng 15 taon, hindi ko sukat akalain na muling nagkrus ang landas namin. Balo na ako noon, singkwenta anyos pasado at ko­nek­tado sa dalawang ospital bilang special nurse ng mga may kayang pasyente.

Hindi ko inaasahan na ang tawag na duty ko noon sa night shift bilang special nurse ay para kay Henry. Hindi ko agad siya nakilala dahil namayat  siya ng husto. Na-aksidente pala siya.

Nagretiro na siya at tanging ang nag-aalaga sa kanya ay ang anak na dalaga. Na­­tu­wa siya nang makilala niya ako na siyang mag-aalaga sa kanya. Iyon na ang simula ng muli naming pagkakalapit. Diborsiyado pala siya sa naging asawang Amerisian. Mapapadali anya ang paggaling niya.

Kahit parehong may edad na, nabuhay muli ang aming pagmamahalan. Dahil wala naman tutol ay nauwi ang lahat sa aming pagpapa­kasal. Maraming salamat po at more power to you.

Gumagalang,

Amelia

Dear Amelia,

Minsan pa ay napatunayan ang kapangyarihan ng pag-ibig. Bagaman pinawi ng panahon ang inyong kabataan dahil sa pagtutol noon ng mahalagang tao sa inyong pagmamahalan ay nanatiling nasa parehong estado ang dadamin ninyo sa isa’t isa, sa kabila ng maraming taon na ang lumipas.

Salamat sa pagtitiwala mo sa pitak na ito para ibahagi sa marami nating mambabasa ang magandang kasaysayan ng inyong buhay-pag-ibig. Ha­ngad namin ang patuloy na kaligayahan at kala­kasan para sa inyong dalawa.

Dr. Love

Show comments