Hindi na babalik

Dear Dr. Love,

Punung-puno po ako ng pagsisisi sa kasalukuyan dahil huli na ang lahat para maisalba pa ang tunay na pagmamahal na nasa kamay ko sana ngayon. Hindi na po kasi babalik si Anna sa buhay ko.

Hanggang sa pinaka-komplikadong sitwasyon niya nang duguin siya at mawala nang ganap ang baby namin ay nanatili ang pagmamahal niya at kabutihan sa akin.

Nahihiya po ako dahil napakawalang kwento ko kung tutuusin. Simula nang malaman ko na buntis siya ay hindi nagawang i-assure siya na pananagutan ko ang lahat. Itinakwil siya ng pamilya niya dahil sa mga nangyari. Wala po siyang ibang naranasan sa piling ko kundi puro hirap at sama ng kalooban kaya marahil dinugo siya at nakunan.

Nang araw na iyon ay wala siyang tigil sa kakaiyak at pagso-sorry dahil wala na ang anak namin. Pero kung tutuusin, Dr. Love ako ang dapat sisihin sa lahat. Hindi ako naging mabuting karelasyon niya at magiging ama sana ng sanggol na noo’y dinadala niya.

Ang kumukurot po ng todo sa kalooban ko, Dr. Love kahit sa huling sandali ng kanyang kalagayan ay nagmamalasakit pa rin siya sa akin. Kinaumagahan simula nang malaglag ang bata ay ginising niya ako ay sinabi kaya na niyang mag-isa kaya pwede ko na siyang iwan dahil alam daw niyang hindi na ako maaaring mag-absent sa trabaho.

Ang nanay ko po sana ang kahalinhinan ko para magbantay kay Anna pero bago pa siya makara­ting ng ospital ay nag-discharge na si Anna. Isang matandang babae raw na kanyang ina ang naglabas sa kanya.

Gusto ko po siyang hanapin pero bago pa ako nakakilos ay may tinanggap akong liham galing sa kanya, na nagsasabing huwag ko na siyang hanapin. At isipin na lang na ang mga nangyari ay solusyon ng tadhana para sa aming dalawa. Hindi ko na napigilang lumuha.

Dr. Love, alam ko po na magsisi man ako ay hindi ko na maibabalik ang lahat. Salamat po sa pagbibigay ninyo ng panahon sa sulat ko.

Gumagalang,

Nick

Dear Nick,

Sa maraming pagkakataon, kinakailangan pang mawala ang isang tao bago malaman kung gaano ang halaga niya sa buhay natin. Tama ka, hindi na maibabalik ang nangyari na. Pero mas maisasaayos mo ang iyong kasalukuyan at hinaharap kung hindi mawawala sa isip mo ang mahalagang leksiyon na natutunan sa mga nangyari sa inyo ni Anna.

DR. LOVE

Show comments