Nang magkabukingan

Dear Dr. Love,

Unti-unti ko po ngayon binubuo ang mga bahaging natira sa akin simula nang malantad na ang katotohanan sa relasyon namin ng aking asawa.

Hindi pa ganoon katagal nang umalis ako sa aming bahay nang mabuko ko, na ang sanggol na balak naming ampunin at ang ina nito na pinalabas niyang pansamantalang kupkupin namin hanggang sa manganak ay babae niya.

Unang naging malamig ang pakikisama sa akin ni Norman nang mapatunayan ng mga doctor na ako ang may depirensiya kung kaya hindi kami magkakaanak. Naging bugnutin siya at aburido sa buhay.

Dahil sa araw-araw na sitwasyon namin na ito, Dr. Love ay ako na ang nag-alok ng paghihiwalay namin ng asawa ko. Ayaw ko po kasi na nakikita na nagkakaganoon siya. Pero hindi niya tinanggap ito at sinabing hayaan ko lang hanggang sa matanggap na niya na hindi kami magkakaanak.

Mula nang kumprontahin ko siya ay nagbalik na ang panunuyo, paglalambing niya at pag-aasikaso sa akin. Ikinatuwa ko rin nang i-open niya ang dati ko nang mungkahi na mag-adopt kami ng sanggol.

Sa amin na nga tumuloy si Alice na ilang buwan na lang ay manganganak na. Pero nang malapit na siyang manganak, nagbago ang isip ng babae. Hindi na raw niya ipapaampon ang sanggol. Dito na nagkabukingan. Umalma si Norman dahil handa niya raw panagutan ang sanggol. Umamin din si Alice na ang asawa ko ang ama ng dinadala niya.

Para akong mababaliw sa sakit ng kalooban, Dr. Love. Sinabi ko kay Norman na sana ay pumayag na lang siya na maghiwalay kami kaysa magtahi-tahi siya ng kwento at lokohin ako.

Sa pag-alis ko sa amin, ipinakiusap ko kay Norman na pantay naming paghatian ang lahat ng conjugal property. Hindi ko na po pinatulan ang mungkahi ng aking mga magulang na  mag-demanda pa laban sa aking asawa.

 Malungkot po ang buhay ko ngayon, pero patuloy akong nagsisikap na bumangon. Naba­litaan ko na magdadalawa na ang anak nila Norman at Alice.

Maraming salamat Dr. Love at mabuhay kayo.

Gumagalang,

Babe

Dear Babe,

Sa dami ng mga salaysay na naitampok natin sa ating pitak, karaniwan na ang mga iniwan, niloko o pinagmalupitan ng kani-kanilang kabiyak sa buhay ay nagkaroon ng maayos at masaya pa ngang buhay kung tutuusin. Gaya nila, magpatuloy ka lang sa matuwid na pamumuhay dahil batid ng Lumikha ang iyong pinagdaraanan at hindi siya nagpapabaya, magtiwala ka lang.

Dr. Love

Show comments