Madilim na nagdaan

Dear Dr. Love,

Isang mainit na pagbati sa iyo at sa lahat ng mga nagbabasa ng iyong column.

Ako po si Ella, 30-anyos at isang call center agent. Single parent po ako bunga ng pakikipagrelasyon sa isang lalaki na agad naman akong iniwan at ni hindi kinilala ang aming anak.

Mula noo’y natanim sa puso ko ang galit sa mga lalaki. Palagay ko po, iisa lang ang hangad ng isang lalaking nanliligaw sa babae at ito ay maka-isa, alam mo na ang ibig kong sabihin.

Isa pa, ayaw ko nang pumasok sa gan­yang relasyon dahil sa madilim kong nag­daan. Sino naman ang lalaking seseryoso sa isang dalagang ina na gaya ko?

May dumating na manliligaw sa akin. Sa totoo lang, attracted ako sa kanya pero pilit kong sinusupil ang aking nararamdaman.

May mga nagpapayo sa akin na mali ang ginagawa ko dahil may karapatan akong lumigaya at hindi lahat ng lalaki ay tulad ng naging taksil kong kasintahan.

Ano sa palagay ninyo, tama ba sila?

Ella

Dear Ella,

Tama sila sa pagsasabing may karapatan kang lumigaya at umibig muli.

Pero may gusto akong idagdag. Sana ay natuto ka na sa nakaraan mo. Pakakilatisin mo ang ugali ng manliligaw mo para tiyaking hindi na mangyayari ang masaklap mong karanasan.

Huwag kang magtago ng lihim sa kanya at sabihin mo ang totoo. Kung tatanggapin ka niya sa kabila ng lahat at handa ka niyang pakasalan, eh ‘di tanggapin mo siya.

Pero inuulit ko, huwag mo nang ibigay ang iyong pagkababae nang hindi kayo kasal.

Dr. Love

Show comments