Bad influence ang bf

Dear Dr. Love,

Nagiging pangamba ko po ang pakikipag­relasyon ng aking ate sa isang tambay at may bisyong sugal at alak na lalaki sa aming lugar. Dahil bukod po sa nakikita naming isinasandal niya sa aming panganay na kapatid ang kanyang bisyo ay nagiging dahilan din si Domeng para pagdabugan ng aming kapatid si nanay.

Wala pa po masayadong karanasan sa pag-ibig si ate at ang nakikita namin na kinahuhumalingan niya kay Domeng ay ang magaling na pagpustura nito.

Hindi po maiwasan na maging usap-usap sa aming lugar ang relasyon ng ate ko at ni Domeng, maging ang nagiging pagbabago sa pagtrato ng aming kapatid sa aming ina. Hindi na po kasi pinakikinggan ni ate si nanay. Nasasaktan po kaming mga nakababatang kapatid niya sa mga nangyayari.

Ok lang po ba kung maglakas-loob na akong pagsabihan ang ate ko? Sana po, mabigyan ninyo ako ng magandang payo na hindi naman ikasasakit ng damdamin ng aking kapatid.

  Salamat po, Dr. Love  at hihintayin ko ang mahalaga ninyong payo.

Gumagalang,

Merly

Dear Merly,

Kung mapapanatili mo ang paggalang at maipapakita ang buong sinseridad sa pagsasalita sa iyong ate, hindi niya ito ikakagalit. Anong malay natin, baka ang malasakit mula sa isang nakababatang kapatid niya ang makapagpapa-realize sa kanya ng nagiging sitwasyon ng inyong pamilya, dahil sa pakikipag-relasyon niya sa isang iresponsableng lalaki.

Pero sakaling, walang magbago at sa tingin ninyo ay nagawa na ninyo bilang pamilya niya ang lahat para maimulat siya sa reyalidad nang pakikipagrelasyon niya, marahil disposisyon na niya ‘yun.

May pagkakataon kasi na kailangan, ang taong nasa sitwasyon mismo ang makatunton sa maaaring pagkakamali ng kanyang desisyon bago niya matutunan ang leksiyon.

Bukod sa plano mong kausapin ang ate mo tungkol sa kanyang love life, ipagdasal mo rin na hindi siya tuluyang mabulagan sa sitwasyon at nawa ay mapunta siya sa lalaking magbibigay sa kanya ng magandang kinabukasan.

DR. LOVE

 

Show comments