Dahil sa engagement ring

Dear Dr. Love,

Bagaman pinagsisisihan ko na ngayon ang lahat, alam ko ang pagkakamaling nagawa ko ay may katumbas na parusa.

Mag-iisang taon na po akong nakakulong sa piitan pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako dinadalaw ni Doris, ang babaeng dahilan ng lahat sa buhay ko. Ginusto ko po na bigyang katuparan ang hinahangad niyang engagement ring kaya naisipan ko ang tinawag namin ng grupo na operation pa-birthday.

Isang pawnshop ang nilooban namin at kabilang sa mga natangay ay ang singsing na may brilyante, na ibinigay ko bilang birthday gift na rin kay Doris. Pero sa kinasamaang-palad, ang isa sa mga kasamahan ko ay kumanta kaya nadakip din ako habang ang dalawa pang kasama namin ay nakatakas. 

Bukod sa matagal nang hindi pagdalaw, ang masaklap pa ay ikinatwa pa niya ako. Pero ayaw niyang ibalik ang sing-sing. Hindi po magpapaareglo ang may-ari ng pawnshop dahil titiyakin daw na mabubulok ako sa piitan. Tanggap ko na po ngayon ang lahat.

Salamat po sa pagbasa ninyo ng liham na ito at sana magsilbi itong aral sa ibang lalaki na sobra-sobra kung magmahal.

Gumagalang,

Amador

Dear Amador,

Hindi na natin maibabalik ang mga nangyari na. Pero ang pinakamahalaga naman ay ang ka­salukuyan at hinaharap, kaya dito mo ituon ang iyong atensiyon.

May mga courses offering diyan sa loob, ga­mitin mo iyon para simulan ang pagbabago at pagpapaunlad sa iyong buhay. Tiyakin mo na sa bawat araw ng pamamalagi mo sa bilangguan ay may kapaki-pakinabang na nangyayari sa iyong buhay.

Isang magandang pagkakataon rin ang pa­ma­malagi mo sa loob para magkaroon ng realization sa naging buhay mo sa labas at ang bawat sitwasyong hinatid nito sa iyong buhay…para sa takdang panahon na makalaya ka uli ay maiiwas mo ang sarili sa dating kinalalagyan at hindi na uli makulong.

Isipin mo rin na marahil, hindi si Doris ang babaeng nararapat para sa iyo. Kaya patawarin mo na rin siya sa mga nagawa niyang pagkakamali sa iyo at palayain ang sarili sa sama ng loob. Makakabuti na kasama ng paghahangad mo ng maayos na buhay at ganoon din ang idalangin mo para sa kanya.

Kasama mo ang pitak na ito sa bawat pag-usal ng panalangin. God bless you!

Dr. Love

Show comments