Dear Dr. Love,
Hindi ko po malaman kung paano ko ipagtatapat sa aking anak na lalaki na siya at hindi ang kanyang Ate Mila ang tunay naming anak ng nasira kong mister.
Ang mister ko ang mismong may gusto na huwag namin ipagtapat sa dalawa naming anak na ang isa sa kanila ay ampon.
Hindi raw niya nais na magkaroon ng pag-iinggitan ang dalawang bata sakali’t malaman nila ang katotohanan.
Pero sa lamay ng aking mister ay may nariÂnig si Adan na nag-uusap na mga paryentes ng aking ama, hinggil sa pagkakaroon namin ng adopted baby pero wala silang alam kung sino sa kanila ang tunay at kung sino ang adopted.
Pagkatapos ng libing, saka ako masinsinang kinausap ng bunso kong anak at pilit na inaalam kung may katotohanan ang narinig niya mula sa dalawang kamag-anak ng kanyang ama.
Ayaw kong masira ang pangako ko sa aking asawa. Pero ayaw ko ring magwala ang aking anak dahil sa ang suspetsa niya, siya ang ampon.
Ano po ang dapat kong gawin? Palagay ninyo, panahon na ba para talagang ilantad ko na ang katotohanan kina Adan at Mila?
Tulungan mo po ako Dr. Love. Ayaw kong magsinungaling sa dalawa.
Maraming salamat at more power.
Benilda
Dear Benilda,
Sa aking pananaw, mas makabubuting ipagtapat mo na sa dalawa mong anak ang katotohanan.
Sabay mong ipagtapat sa kanila ang buong pangyayari. Ang puno’t dulo ng pag-aampon at sa naging desisyon ninyong huwag agad ipaalam sa kanila ito kundi sa tamang panahon.
Liwanagin mong mabuti sa dalawa na paÂreho mo silang mahal at kahit ampon lang ang panganay, itinuring ninyo siyang sariling dugo.
Pantay ang pagtingin ninyo sa dalawang anak at sana, hindi makahati sa iyong pamilya ang katotohanang ito.
Dr. Love