Matayog ang pangarap
Dear Dr. Love,
Hindi maikakaila sa aming barangay ang mga ligawan, kaya hindi rin nakaligtas sa mga tsismosa ang ayon sa kanila ay matayog na pangarap ko na masungkit ang pinakamagandang mutya sa munisipalidad at anak ng aming barangay captain.
Wala naman akong nakikitang masama dun, Dr. Love. Maaaring langit at lupa ang pagitan naÂmin dahil janitor lang ako. Pero ang totoo po ay hanggang ligaw-tingin lamang ako kay Cely.
Siguro nakarating kay Kapitan ang tsismis at marahil ay ikinais niya ito kung kaya personal akong tinanong kung totoong may pagtatangi ako sa kanyang anak. Wala akong masabi sa kapitan, dahil hindi ko naman talaga pinopormahan si Cely. Secret love lang at ewan ko kung magagawa ko itong ibulalas.
Sumegunda pa siya ng tanong, Dr. Love kung gusto ko raw ba ligawan si Cely. Sinabi ko ang totoo, na kung mayroon man akong paghanga kay Cely ay hindi ko mailalabas dahil malayo ang agwat namin sa buhay.
Tumawa lang si Kapitan. Hindi ko akalain na aalukin niya akong makinabang sa libreng pag-aaral ng kaalamang bokasyonal. Ang naÂiwan kong trabaho ay ipinakiusap ko na sa aking kapatid na mapunta.
Natapos ko ang computer programmer na kurso at ngayon ay pinamamahala sa akin ang edukasyong teknikal para sa mga kabataan sa aming barangay.
Nang makabuwelo ay saka ako naglakas-loob na ligawan si Cely at kaagad idinaos ang kasal. Hinihintay pala niya ang panliligaw ko at ang tulong ay ginagawa ni Kapitan para matiyak na mahusay ang mapapangasawa ng kanyang anak.
Maraming salamat po sa pagbibigay daan ninyo sa liham kong ito.
Gumagalang,
Joseph
Dear Joseph,
Salamat sa liham mo. Minsan pa ay napatunayan na gaano man katayog ang pangarap kung determinado na makuha ito ay hindi imposibleng makamit. Hangad ng pitak na ito ang patuloy na kaligayahan ninyo ng iyong asawa at nawa’y ipagkaloob na rin sa inyo ang mga supling na bubuo sa inyong sariling pamilya.
Dr. Love
- Latest