Kita o kaligayahan?

Dear Dr. Love,

Malaki po ang problema ko ngayon at ito ay may kinalaman sa aking trabaho at sa tunay kong kasarian.

Isang taon pa lang akong nagtatrabaho sa isang multi-national company at suwerte nga ako sa pagkakatanggap sa akin sa kompanyang ito dahil bukod sa mataas ang suweldo, matutupad ko na ang pangarap kong magkaroon ng sariling condo.

Kalahati lang ng suweldo ko ngayon ang sahod ko sa dating kompanyang pinapasukan ko. Mataas din naman ang rate ko doon pero lumipat ako sa iba dahil pangarap ko ngang magkaroon ng sariling tirahan.

Sa paglipat kong ito, naglakas-loob na akong kumuha ng condo na 5 years to pay. Sa­riling sasakyan na lang sana ang bubunuin ko.

Ang kaso, lately hindi na ako masaya sa bagong kompanya. Bukod sa pawang may edad na ang kasama ko sa trabaho, hindi ko mailabas ang tunay na ako. Isa akong gay at mahirap talagang magkubli sa isang maskara.

Nakausap ko ang dati kong boss sa pinanggalingan kong opisina noon at sinabing handa pa nila akong tanggapin uli kung nanaisin ko. Sa opisinang ito, alam nila ang kasarian ko at maraming kasamahan ako doon na ka-edad ko lang.

Ano po ang maipapayo ninyo? Dapat na ba akong mag-resign ngayon at magbalik sa dati kong office?

Maraming salamat po sa pagbibigay pansin ninyo sa liham ko at hihintayin ko ang mahalaga ninyong payo.

Gumagalang,

Cenon

Dear Cenon,

Kung saan ka mas makakapagtrabaho ng maayos, mas maibubuhos ang iyong galing dahil wala kang magiging pag-aalinlangan, higit sa lahat kung saan ka mas magiging masaya sa bawat araw ng iyong pagpasok, dun ka magpunta.

Sa maraming pagkakataon, higit sa ma­laking kita, mas mahalaga pa rin na maging ma­saya at manatili ang kumpiyansa mo hindi lang sa pagtatrabaho kundi maging sa mga taong nakapaligid sa iyong working place.

Pag-isipan mo ito ng mabuti at ipag-pray para matiyak na wala kang pagsisisihan kung ano mang pagpapasya ang pipiliin mo.

 Dr. Love  

Show comments